KLASE SINUSPINDE SA BULACAN SCHOOL
    Sintomas ng H1N1 nakita sa Fil-Japanese student

    377
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan—Suspendido ang klase sa isang pribadong paaralan sa bayang ito hanggang Lunes  matapos kakitaan ng sintomas ng Influenza A (H1N1) ang isang estudyanteng Filipino-Japanese.

    Gayunpaman, sinabi ni  Dr. Joycelyn Gomez, provincial public health officer,  ang pagsuspinde ng klase ay bahagi rin ng paghahanda ng paaralan sa pagdiriwang ng ika-111-guning taon ng Araw ng Kalayaaan  sa araw na ito.

    Ayon sa mga guro ng St. Mary’s Academy, maagang pinauwi ang mga estudyante nila noong Miyerkoles ng hapon  at mananatiling suspendido hanggang Lunes.

    Ito ay dahil sa isang estudyanteng Filipino-Japanese na may edad na 16 na taong gulang ang kinakitaan ng sintomas ng H1N1 noong Martes ng hapon at isinugod sa Lung Center of the Philippines noong Miyerkoles ng umaga.

    Ayon sa mga guro, ang nasabing estudyante ay umuwi sa bansa galing sa Japan noong Hunyo 3, kasama ang kanyang lola at 10-taong-gulang na kapatid na babae.

    Ang nasabing estudyante ay pumasok sa klase noong Lunes at Martes, at isinugod sa Divine Word Hospital noong Martes ng gabi.

    Muling ibinalik sa nasabing ospital ang estudyante nong Miyerkoles ng umaga, ngunit pinayuhan ni Dr. Zoraida Miguel ang kaaanak nito na ilipat ang pasyente sa Lung Center dahil kinakitaan ng mga sintomas ng H1N1 ang bata katulad ng pagsusuka at pagtatae.

    Agad namang kumalat sa bayang ito ang balita hinggil sa kondisyon ng bata  na sinundan ng text messages  hinggil sa H1N1.

    Ayon kay Dr. Gomez, hindi pa kumpirmado kung positibo sa H1N1 ang bata dahil ngayong araw  pa lamang malalaman ang resulta ng laboratory test.

    “He will have to undergo throat swabbing and quarantine,” ani Gomez.

    Ayon sa doktora, walang dapat ikatakot ang mga residente ng bayang ito dahil hindi pa kumpirmado ang nasabing sakit.

    Binigyang diin niya na habang hinihintay ang resulta ay dapat naming mag-ingat  ang mga tao at maging malinis sa katawan.

    Sinabi pa ni Gomez na dapat ding turuan ng mga opisyal ng paaralan ang mga magulang hinggil sa pag-iingat laban sa influenza A.

    “For those asymptomatics, they must have self monitoring, while others must have go on self quarantine if they feel like they have the symptoms,”  ani Gomez.

    Sinabi  naman ni Acting Mayor Elmer Santos na naghahanda  na ang pamahalaang bayan ng Hagonoy sa paghahanap sa mga taong nakasalamuha ng bata.

    Bukod dito, sinabi nioya na magpapakalat sila ng impormasyon sa mga residente upang huwag matakot, sa halip ay panatilihin ang tamang paghuhugas ng kamay at pag-ubo ng may takip ang bibig.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here