Instructor sinisisi sa pagkalunod ng estudyante

    317
    0
    SHARE
    SAN MIGUEL, Bulacan——Sinisisi ng pamilya ng estudyante ng Arellano University sa clinical instructor nito ang kanyang pagkakalunod sa isang sapa sa Barangay Ilog Bulo sa nasabing bayan noong Lunes ng hapon.

    Ayon kay Mylene Bautista, ina ng biktimang si Maria Katrina Louise Bautista y Santiago, 19, third year student ng Arellano University sa Maynila, at residente ng Cainta, Rizal, kapabayaan ng clinical instructor ang dahilan ng pagkakapahamak ng kanyang anak.

    Isinisisi ng ginang ang trahedya sa clinical instructor na si Maria Concepcion Paz sapagkat hindi ito naging responsable sa pagbabantay sa mga estudyante.

    Aniya, napakasakit na buhay na buhay nang umalis sa kanilang bahay ang kanyang anak ngunit patay na nang iuwi ito.

    Dahil dito ay posible umano nilang kasuhan si Paz sa kanyang kapabayaan ngunit nilinaw na hindi ang pamunuan ng Arellano University.

    Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang nasabing clinical instructor.

    Samantala, may mga huling litrato ng mga estudyante bago ang trahedya habang ang mga ito ay nagsisipaligo ang nakuha mula sa mismong celfone ng namatay na estudyante.

    Ayon naman kay Armando Gamboa, kapitan ng barangay, nagpilit umanong magsipaligo ang mga nursing student sa sapa.

    Isa aniyang karpintero ang nakakita sa mga ito at binawalan na magsipaligo sa ilog dahil sa peligro ng pagkalunod o matuklaw ng mga ulupong na naglipana sa bukid ngunit hindi aniya nakinig ang mga ito at patuloy na nagsipaliguan sa lagpas dalawang tao na lalim na sapa.

    Binigyang diin pa niya na iisang oras pa lamang na nakararating sa kanilang lugar ang naturang mga estudyante upang magsipag-OJT bilang bahagi ng course curriculum at agad nang nagyayaan ang mga ito na magsipaligo sa sapa.

    Sa kasalukuyan ang mga labi ng biktima ay iniuwi na sa kanilang lugar sa Cainta Rizal.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here