Babae inabandona ng mga holdapers sa gilid ng damuhan

    431
    0
    SHARE
    CALUMPIT, Bulacan——Isang babae ang naaktuhan ng PUNTO! habang nirerescue ng kapulisan matapos itong matagpuang umiiyak sa gilid ng damuhan na inabandona ng mga umano’y holdapers.

    Ang biktima ay nakilalang si Myra Pahilagmagno, tubong Romblon, at isang katiwala sa Malolos Glassware sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.

    Ang biktima ay natagpuang nakapiring ang mga mata at ang mga kamay ay balot ng isang packing tape sa may damuhan ng  sa gilid ng kahabaan ng Mac Arthur Highway sa Barangay Longos sa bayan ng Calumpit.

    Ang insidente ay natuklasan pasado alas-dos ng hapon ng security guard na si Joel Sollana ng Northfield subdivision sa Barangay Longos.

    Ayon kay Sollana, may natanggap siyang impormasyon na isang babae ang nakitang nakapiring ang mata na nakaupo sa damuhang bahagi ng subdivision kayat agad silang tumawag sa kapulisan.

    Matapos ang ilan pang sandali ay dumating na ang kapulisan sa naturang lugar.

    Ayon naman sa salaysay ng biktima, kakalabas pa lamang niya sa Malolos Glassware bago mananghali kanina upang magdeposito sana ng pera sa bangko.

    Ngunit bigla na lamang umanong isang lalaki ang lumapit sa kanya at agad siyang tinutukan ng baril at pinirangan ang kanyang mga mata.

    Matapos nito ay isinakay umano siya sa isang van sa hindi niya alam na direksyon.

    Takot na takot umano si Pahilagmagno habang nasa kamay siya ng mga holdapers sa pangambang patayin siya ng mga ito.

    Hanggang sa ibinaba siya sa naturang lugar at hindi na umano niya malaman kung gaano siya katagal na nakaupo doon habang siya ay naghihintay ng tulong.

    Hindi pa matukoy ng kapulisan kung magkano ang natangay na pera mula sa biktima at patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here