Panukalang dagdag na House seat, suportado ng mga pulitiko sa Bulacan

    406
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY – Ikinagalak ng mga pukitiko sa Bulacan ang panukala ni Senate President Juan Ponce Enrile na magdadag ng 100 kongresista sa Kongreso, dahil sa paniniwalang higit na kaunlaran ang hatid nito sa Bulacan.

    “Its about time we open more congressional districts in Bulacan, our population is good for 12 representatives in Congress,” ani Kint. Reylina Nicolas ng ika-apat na distrito ng Bulacan na nakakasakop sa mga bayan ng Sta. Maria, Marilao, Obando at Lungsod ng Meycauayan.

    Sa kasalukuyan, ang Bulacan ay may limang regular na kongresista na kumakatawan sa limang distrito kabilang ang lone district ng San Jose Del Monte City.

    Ayon kay Nicolas, ang 3 milyong populasyon ng Bulacan ay nangangailangan ng dagdag na representasyon sa Kongreso.

    Inayunan naman ito nina Kint. Marivic Alvarado (1st district) at Lorna Silverio (3rd district).

    Ayon kay Silverio na kumakatawan sa mga bulubunduking bayan ng San Rafael, San Miguel, San Ildefonso, Donya Remedios Trinidad, Norzagaray at Angat, na nagsabing ang dagdag na representasyon ng Bulacan sa Kongreso ay nangangahulugan ng dagdag na pondo at higit na malakas na boses doon.

    Para naman kina dating Gobernador Roberto Pagdanganan at mga dating alkalde na sina Ambrosio Cruz ng Guiguinto, at Edmundo Jose Buencamino ng  San Miguel, ang dagdag na congressional district ay nangangahulugan na dagdag na bilang ng lider na Bulakenyo.

    Una rito, binatikos ni Malolos City Mayor Danilo Domingo ang magkapatid na Gob.Joselito Mendoza at dating Gob. Josie del Cruz sa kanilang pagtutol sa pagkakaroon ng lone district sa Malolos.

    “Hindi sila dapat tumutol, dapat ay isulong nila ang pagdadagdag ng congressional district sa Bulacan,” ani Domingo.

    Binigyang diin niya na mahigit 3 milyon na ang populasyon ng Bulacan at ito ay nangangahulugan na kahit 12 kongresista ay pupuwede sa Bulacan dahil ang bawat kongresista ay kumakatawan lamang sa populasyong 250,000.

    Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Mendoza na “hindi natin pahihintulutan kailanman na tayong mga Bulakenyo ang siyang mismong yuyurak at lalabag sa Konstitusyon, maisakatuparan lamang ng madalian ang pagpapatibay na maging lone district ang Malolos.

    Iginiit pa niya na: “Katulad nang pagrespeto natin sa kasaysayan ng Pilipinas, nirerespeto natin ang Konstitusyon ng bansa na dito isinilang sa dakilang lungsod ng Malolos. Subalit hindi natin papayagang makompromiso ang pamana ng kasaysayan na iyan at ang integridad ng mga Bulakenyo kapalit ng ating pagnanais na umunlad.”

    Ngunit para kay Domingo, nagkakamali si Menndoza at ang kanyang kapatid na dating gobernador.

    Sinegundahan din ni Pagdanganan ang pahayag ni Domingo at sinabing malinaw ang naging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa dagdag na distrito ng Makati.

    Ayon kay Pagdanganan, pinayagan ng Korte Suprema ang Makati na magdagdag ng distrito kahit hindi pa sapat ang kanilang populasyon noon dahil sa liberal na interpretasyon ng batas.

    Sinabi pa ni Pagdanganan na hindi itinakda ng Saligang Batas na ang sapat na bilang ng isang distrito ay makamit sa oras ng pagpapatibay ng batas na lumilikha sa distrito. 


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here