RP posibleng managot sa pagkamatay ng mga migratory birds

    396
    0
    SHARE
    CANDABA, Pampanga—Posibleng managot ang Pilipinas sa pagkamatay ng mga migratory birds partikular na ang mga ibong sa bansa lamang nananatili kung panahon ng winter.

    Ayon kay Jonathan Villasper ng  Wild Bird Club of the Philippines (WBCP),  ang patuloy na pagkasira ng mga tirahan ng ibon ay isa sa sanhi ng pagkamatay at pagkaubos ng lahi nito.

    “Maraming migratory birds ang sa Pilipinas lamang nagpupunta kapag winter, kaya pag nagkamatay iyan ay maaaring managot ang bansa,” aniya.

    Sinabi niya na kailangang ingatan ang mga tirahan ng mga ibon tulad ng Candaba Swamp upang mapangalagaan ang mga ito.

    “Not too many people actually pay attention to local birds’ habitat kaya panay lang ang putol at sunog nila, pero hindi alam ng marami na maaring maging accountable ang Pilipinas pag nawala yung mga species ng migratory birds,” ani Villasper.

    Iginiit pa niya na lubhang mahalaga ang tirahan ng mga ibon dahil doon din matatagpuan ang mga insektong kaniwaang kinakain ng mga ibon.

    Bilang isa sa kasaping nagtatag sa WBCP, si Villasper ay kabilang sa tatlong kataong nagsagawa ng expedition sa Candaba Swamp noong Martes upang hanapin ang streaked reed warbler.

    Ang streaked reed warbler ay isang migratory bird mula sa China na nananatili sa bansa kung panahon ng winter.

    Ang streaked  reed warbler ay may haba lamang na limang pulgada, may kulay golden brown na halos kamukha ng pangkaraniwang maya at tarat.

     “Para kasing  maya at tarat, saka maliiit lang kaya walang masyadong pumapansin,” ani Villasper at sinabing iisa ang kanilang nahuling streaked reed warbler noong Martes.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here