Pagmimina sa Biak-na-Bato pinaboran ni Atienza

    517
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Pabor si Environment Secretary Lito Atienza sa pagmimina ng mamahaling marmol sa Biak-na-Bato Mineral Reservation Area, basta’t susunod sa itinakda ng batas ang kumpanyang nagmimina doon.

    Ayon kay Atienza, nagkausap na sila ni Bulacan Gov. Joselito Mendoza hinggil sa operasyon ng Rosemoor Mining and Development Corporation (Rosemoor) na inirereklamo dahil sa diumano’y iregularidad sa papeles nito.

    “Nag-usap ni kami ni Governor Mendoza na pagtulungan namin ang pagmamaneho sa venture sa Biak-na-Bato,” ani Atienza.

    Aniya na pabor siya sa pagmimina ng Rosemoor ngunit binigyang diin niya na “basta’t tama ang pagmimina at di gagamit ng mga explosives dahil nakakasira iyon sa kalikasan.”

    Ayon kay Atienza sumunod na ang Rosemoor sa mga itinakda ng batas katulad ng paggamit ng wire saw sa pagkuha ng mamamahaling tea-rose marble na dati ay ginagamitan ng dinamita para matibag ang tipak-tipak na bloke ng marmol.

    Hingil sa mga alegasyon laban sa lokasyon ng pagmimina, sinabi ni Atienza na batay sa kanilang pag-aaral ay nasa labas ng Biak-Na-Bato National Park ang minahan, at nasa labas din ng mineral reservation area ng Biak-na-Bato.

    Patungkol naman sa mga pagtutol ni Gob. Mendoza sa operasyon ng Rosemoor, sinabi ng kalihim na nasa estilo iyon ng pamamahala ng gobernador.

    Matatandaan na noong nakaraang linggo ay nagpalabas ng pahayag si Mendoza kung saan ay muli niyang kinuwestiyon ang pagbibigay ng Mines and GeoSciences Bureau (MGB) sa Gitnang Luzon ng Ore Transport Permit (OTP) sa Rosemoor.

    Ayon kay Mendoza maraming iregularidad sa operasyon ng Rosemoor maging sa pagkakaroon nito ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA).

    Ipinagkibit balikat naman ito ni Zenaida Pascual, ang asawa ng dating pangulo ng Rosemoor na si Constantino Pascual na pinaslang noong Hunyo 8.

    Ayon kay Pascual, wala silang nilalabag na batas, sa halip ay nagbabayad sila ng buwis sa gobyerno.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here