Home Headlines Ang pag-unlad ay hindi pagkawasak Ito ay pagsasamantala No to Pax Silica!

Ang pag-unlad ay hindi pagkawasak Ito ay pagsasamantala No to Pax Silica!

549
0
SHARE

ANG LOKAL na Konseho ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, sa pamamagitan ng Students’ Rights and Welfare Committee at Environmental Committee na siyang tagapagtaguyod ng karapatan, kapakanan, at kalikasan ng mga mag-aaral, ay mariing naninindigang hindi maituturing na pag-unlad ang unti-unting pagkawasak ng buhay ng mamamayan, kalikasan, at bayan.

Sa usaping ito nakaangkla ang pagkundena ng konseho sa Pax Silica, isang inisyatibang pinangungunahan ng Estados Unidos na naglalayong palawakin ang estratehikong kontrol nito sa mga mineral, semi-conductors, at advanced manufacturing, habang nagiging banta sa pambansang soberanya, kalikasan, at karapatan ng mga lokal na komunidad. Kalakip ng inisyatibang ito ang pagkuha ng malaking lupain sa New Clark City sa Tarlac na siyang ginagawa upang magsilbing pilot testing ang bansa ng mga AI hub. Ito ang kinakaharap ng mga pangamba at pagtutol mula sa iba’t ibang sektor dahil sa mga posibleng epekto nito sa kalikasan, kabuhayan, at mga lokal na komunidad.

Anuman ang ipinapangakong kaunlaran, pamumuhunan, o paglikha ng kabuhayan ay hindi kailanman magiging sapat na katuwiran kung ang kapalit nito ay ang pagkasira ng likas na yaman, paglabag sa karapatan ng mga komunidad, at paglalagay sa kapakanan ng mamamayan sa panganib. Ang tunay na pag-unlad ay dapat nakabatay sa katarungang panlipunan, pangangalaga sa kalikasan, at paggalang sa dignidad at karapatan ng bawat Pilipino.

Bilang kinatawan ng mga mag-aaral sa larangan ng agham panlipunan at pilosopiya, naninindigan ang CSSP LSC na ang anumang proyekto o operasyon na nagdudulot ng pangmatagalang pinsala sa tao at kapaligiran ay nararapat na usisain, panagutin, at tutulan. 

Ang pag-unlad ay hindi dapat sinusukat sa laki ng kita ng iilan, kundi sa lawak ng kabutihang naidudulot nito sa sambayanan nang hindi isinasakripisyo ang kalikasan at ang kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Sa huli, hinihikayat ng konseho ang bawat mag-aaral na manatiling mapanuri, makialam sa mga usaping panlipunan, at makiisa sa pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan at sa pangangalaga ng ating likas na yaman. Sapagkat ang pananahimik sa harap ng kawalang-katarungan ay hindi kailanman magiging anyo ng paglilingkod.

Hindi kailanman maaaring tawaging pag-unlad ang isang proyektong yumayaman sa kapinsalaan ng mamamayan at ng kalikasan. Ang pag-unlad na may kapalit na pagkawasak ay hindi pag-unlad—ito ay pagsasamantala

(Bulacan State University-College of Science and Social Philosophy – Local Student Council, 19 July 2026)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here