Buntis, 1 pa, sugatan sa pagsabog ng pabrika ng paputok sa Bocaue

    384
    0
    SHARE

    BOCAUE, Bulacan—Dalawa katao kabilang ang isang siyam na buwang buntis ang nasugatan sa pagsabog ng isa umanong iligal na pabrika ng paputok sa Barangay Igulot sa bayang ito kahapon ng umaga.

    Kinilala ni Supt. Ronald De Jesus, hepe ng pulisya ng bayang ito ang mga biktima na sina Maribel Lopez, 30, ng Barangay Igulot at Michael Allasis, 21 ng Barangay Duhat sa bayang ito.

    Sina Allasis at Lopez ay kapwa isinugod sa  Rogaciano Mercado Memorial District Hospital sa bayan ng Maria, ngunit si Lopez na siyam na buwang buntis ay agad ding inilipat sa isang ospital  sa Maynila upang gamutin ang nasunog na bahagi ng kanyang katawan.

    Ang mga biktima ay kapwa manggagawa sa pabrikang pag-aari ni Robert Alba, 27, na umaming walang lisensya.

    Si Alba ay inaresto at sasampahan ng kaso.

    “Nag-spark yung pinupokpok na kwitis ng isang manggagawa kaya sumabog,” ani De Jesus.
    Sinabi ni De Jesus na dahil sa lakas ng pagsabog, halos walang natira sa pabrika, at umabot naman sa P25,000 ang tinatayang halaga ng pinsala.

    Ang pagsabok ay ikalawa na sa bayang ito sa loob ng isang buwan.

    Matatandaan noong ikatlong linggo ng OKtubre ay tatlo katao kabilang ang isang 12 anyos na batang babae ang nasaktan sa pagsabog sa isang pabrika sa Barangay Bunlo.

    Ang mga biktima sa may naunang pagsabog ay nakilalang sina Mario Gayo, 39; ang kanyang asawa na si  Rosario, at anak na si   Marie, 12. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here