IKA-100 TAONG PAGGAWA NG PAROL
    CSF handa na para sa Giant Lantern Festival

    488
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG SAN FERNANDO – Handang handa na ang pamahalaang local dito para sa taunang Giant Lantern Competition na gaganapin sa ika-20 ng Disyembre at bilang selebrasyon na rin sa ika-100 taong kultura ng paggawa ng Parol.

    Sa ginawang press conference noong Huwebes ng nakaraang linggo sa Heroes Hall dito, pinamigay na ng mga opisyales ng lungsod ang kanilang subsidiya para sa mga lalahok na baranggay sa taunang kumpetisyon.

    Bilang tulong ng lokal na pamahalaan sa tradisyong ito ay tumanggap ang bawat baranggay ng mahigit P100,000 tulong pinansyal sa paggawa ng higanteng parol na may sukat na 18 feet in diameter.

    Ang mga kalahok na baranggay ay ang San Juan, Dolores, San Jose, San Pedro, Sto. Nino, Del Pilar, Sta. Lucia, San Nicolas at Telebastagan na siyang itinanghal na kampyon ng nakaraang taon na patimpalak.

    Ayon kay Mayor Oca Rodriguez, bukod sa nakagisnang tradisyon sa taunang kumpetisyon ay gugunitain din ang ika-100 taon ng paggawa ng parol sa kanilang lugar na nagsimula noong 1908.

    Aniya, ang Giant Lantern Festival ay isa ding paraan ng pagpapakilala at pagmamalaki sa buong mundo ng kanilang produkto.

    Dagdag pa niya, ang mga bansang Brazil , France , maging sa Amerika at Europa ay humihiling na magkaroon ng showcase ang mga parol na gawang San Fernandino.

    Ipinagmalaki pa ng alkalde na ang pagpapailaw sa mga higanteng parol ay manually operated lamang at binigyang diin na hindi computerized gaya ng akala ng marami.

    Aniya, hindi basta-basta ginagawa ang isang giant lantern na ilalahok sa kumpetisyon kayat ngayon pa lamang ay nagsisimula na itong gawin.

    Si Francisco Estanislao ng Barangay Santa Lucia ang nagpasimula ng paggawa ng parol sa San Fernando noong 1908. Ngayon ay nasa ika-limang henerasyon na ng mga Estanislao sa pagkakatatag ng paggawa ng parol na kumalat na sa buong lungsod.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here