1.
Ang palengkeng pinatayo dati ni ex-mayor Sitchon
noong siya pa ang alkalde sa may bayan ng San Simon
ang salaping pinantustos na matayo ito noon
ay inutang lang sa bangko sa pamamagitan ng loan
ang utang na 25-M ay umaabot na ngayon
ng halagang diumano’y higit isang daang milyon
2.
Kaya pala itong budget sa taong 2026
nitong bayan ng San Simon ay di pa rin niri-release
kahit nais na maglingkod ng dapat na public service
para sa mamamayan ay walang perang magagamit
mga guarantee letter man para sa mga maysakit
ay hindi rin matugunan pagkat pondo ay naipit
3.
Dahil sa lumobong utang na ini-loan sa PNB
naninilingil na ang bangko kasama ng PDIC
batid na ng mamamayan ang tunay na nangyayari
kaya’t sa galit marami na ang nanggagalaiti
sino ba ang matutuwa sa ganitong pangyayari
dahil di inasikaso ay tumubo ng malaki
4.
Ang palengkeng itinayo hayun at nakatiwangwang
mga daga at insekto lamang ang nakikinabang
ang mga dating alkalde kinalimutan ang utang
pagkatapos ng termino niyaong mayor na nangutang
sa taong 1999 ay tatlong milyon daw lamang
ang nabayaran sa bangko sa ating pagkakautang
5.
Pagkatapos ng termino ni ex-mayor Azor Sitchon
na naging alkalde lamang sa loob ng tatlong taon
ang sumunod sa kanya na naging mayor ng San Simon
ay tila nakaligtaan upang mahulugan ang loan
kaya’t ang nagdurusa sa kasalukuyang panahon
ay ang mga mamamayan at ang acting mayor ngayon
6.
Kung hinulugan lang sana ang nabanggit na palengke
sa nagdaang panahon ng magigiting na alkalde
ang ating pagkakautang ay hindi sana lumake
sa interest na pumalo na yata ng tatlong doble
dahil sa pondong nabinbin ay napaka imposible
paglingkuran at tulungan kababayan nating pobre
7.
Subalit ang tanong ngayon ay dapat bang bayaran pa
kung ang palengkeng nabanggit noon pa ma’y nailit
di ba yan ang collateral sa inutang nilang pera?
na kung hindi mabayaran ay sa bangko mapupunta
ano pa’ng dapat bayaran kung ito’y rematado na
at problema na ng bangko kung kanino ibebenta



