LUNGSOD NG CABANATUAN – Tiniyak ni Nueva Ecija 3rd District Rep. Julius Cesar Vergara na patuloy niyang isusulong ang mga polisiya at hakbang na magtitiyak na mananatiling ligtas, maayos, at mapayapa ang kapaligiran sa mga paaralan.
Ito, aniya, ay para sa kapakanan ng kasalukuyan at susunod na henerasyon.
Kaugnay nito ay ibinahagi ni Vergara ang kanyang panukalang batas na naglalayon na gawing “weapon-free” ang mga paaralan sa bansa na kanyang inihain noong Disyembre 2025.
Batay sa rekord ng House of Representatives Bills and Index Service, inihain ni Vergara ang House Bill No. 6929 noong Dec. 17, 2025.
Sa explanatory note, ang panukala ay naglalayon na gawing “weapon-free zones” ang lahat ng institusyong pang-edukasyon at magtakda ng parusa sa anumang paglabag nito.
“The safety of learners, teachers, and school personnel lies at the heart of the mission of every educational institution. Schools must foster an environment that encourages learning and growth, one free from fear, violence and intimidation,” saad sa explanatory note ng panukala ni Vergara.
Dagdag nito, ang presensiya ng armas at mga nakamamatay na bagay ay hindi lamang banta sa buhay kundi nagpapaguho ng “sense of security necessary for education to thrive.”
Ngayong Hunyo ay niyanig ang bansa ng sunod-sunod na balita ng karahasan sa loob ng paaralan ilang bahagi ng bansa, kabilang ang pamamaril na ikinasawi ng tatlo at ikinasugat ng mahigit 20 iba pa sa Tacloban City nitong Lunes.
“Ang mga karahasan sa paaralan na laman ng balita ngayon ay lubos pong nakakabahala. Bilang mga magulang, pangunahing prayoridad natin ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga anak, hindi lamang sa loob ng ating tahanan kundi lalo na sa kanilang paaralan kung saan nila ginugugol ang malaking bahagi ng kanilang araw,” ani Vergara sa kanyang social media post.
Dapat aniyang panatag ang isip ng bawat magulang na ligtas ang kanilang mga anak habang nasa eskwela.
“Ang mga estudyante naman ay dapat naka-focus lamang sa kanilang pag-aaral nang walang takot o pangamba para sa kanilang kaligtasan,” ayon sa kongresista.



