LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pinaalalahanan ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang mga bagong namumuno sa Bulacan 1st District Engineering Office at mga kontratista na tapusin lahat ng mga putol na dike partikular sa mga bayan ng Calumpit at Hagonoy bago matapos ang 2026.
Binigyang diin ng kalihim na sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na bagama’t patuloy na hinahabol ang mga dating opisyal ng kagawaran at mga kontratista na inaakusahan na kasabwat sa mga iregularidad sa mga proyektong flood control, hindi aniya dapat malimutan na kailangang tapusin ang mga proyektong iniwang nakatiwangwang.
Dahil sa hindi pagkakatapos ng mga dike na ang iba’y putol, butas o talagang walang naipagawa, patuloy na binabaha ang mga Barangay ng Bulusan, Calizon, Sta. Lucia at San Jose sa Calumpit dahil sa pagtaas ng tubig sa Pampanga River at high tide sa Manila Bay kahit sa panahon ng tag-araw.

Matatandaan na ang hindi tinapos na dike sa Barangay Bulusan ang unang proyektong flood control na binisita ni Pangulong Marcos Jr. matapos ang sunud-sunod na taon ng malawakang pagbabaha.
Naging simbulo ito ng determinasyon ng kanyang administrasyon na habulin at panagutin ang mga personalidad, na sinasabing naging dahilan upang hindi maitayo nang maayos ang mga proyektong pipigil sana ng baha.
Kaugnay nito, nauna nang nagsagawa ng inspeksiyon si Dizon sa isang proyektong flood control sa Barangay Calizon sa nasabi ring bayan.
Natuklasang ampaw o walang lamang kongkreto at kapos sa bakal ang ginawang dike rito, kaya’t iniutos na gibain iyon at palitan ng 15-metrong sheet pile na magsisilbing istraktura ng dike sa gilid ng Angat River.
Poprotektahan ng proyektong ito ang nasa tatlong libong mga pamilya na patuloy na nagtitiis sa maraming taon dahil sa palagiang pagbabaha kahit sa panahon ng tag-araw.
Samantala, nakatakda ang muling pagbisita ng kalihim sa Calumpit upang suriin ang progreso ng paggawa sa mga hindi natapos na dike.
Layunin nito na matiyak na nagagawa nang maayos ang proyekto at maabot ang target na palugit na makumpleto na ito sa pagtatapos ng taon. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)


