LUBOS ANG pagsuporta ng Advocates for Genuine and Outstanding Services (AGOS) sa matibay na paninindigan ni Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II para sa isang masusi, patas, at walang kinikilingang imbestigasyon tungkol sa trahedya ng gumuhong gusali sa Barangay Balibago.
Ang bawat buhay na nawala ay nag-iwan ng pamilyang nagdadalamhati, mga pangarap na wala ng katuparan, at mga katanungang naghahanap ng tapat, makatotohanan at agarang kasagutan.
Ang trahedyang ito ay hindi dapat magwakas sa pakikiramay, pagluluksa, o mga hungkag na photo opportunity. Ang higit na kailangan ngayon ay ang pag-iral ng katotohanan at hustisya.
Naniniwala ang AGOS na nararapat lamang na bumuo ng isang independyente, mapagkakatiwalaan, at komprehensibong Fact-Finding Committee upang mabigyang-linaw ang buong katotohanan sa likod ng trahedya.
Ang lupon na ito ay dapat buuin ng mga eksperto mula sa pamahalaan, pribadong sektor, at civil society—mga indibidwal na may subok na integridad, at hindi matitinag ng kapangyarihan, salapi, o impluwensya.
Karapatan ng mga Angeleno at pangkalahatang publiko—higit lalo ng mga naulilang pamilya—na malaman ang buong katotohanan: ano ang sanhi ng pagguho, sino ang nagpabaya, at paano ito nangyari.
Ang panawagang ito ay hindi lamang paghahanap ng kasagutan; ito ay matatag na panawagan para sa hustisya at pananagutan. Gayundin ang mahahalagang reporma sa pagpapatupad ng mga patakaran upang hindi na muling may mga manggagawa o mga pamilyang magdurusa dahil sa kapabayaan at kawalan ng pananagutan. 28 Mayo 2026



