Mag-iina sa pedestrian lane inararo ng bus

    329
    0
    SHARE
    LUBAO, Pampanga — Sugatan ang ina at dalawang maliliit na anak matapos mabangga sa mismong pedestrian lane ng rumaragasang bus ng Bataan Transit sa Lubao, Pampanga noong isang araw.

    Ayon kay Amir Cruz, purok leader ng Barangay Prado Saba, nakabantay siya sa kalsada nang mag-overtake ang bus sa nakahintong apat na sasakyan na pinatigil ng barangay tanod upang makatawid ang mga tao sa pedestrian lane.

    “Biglang nag-overtake ang bus at nahagip ang mag-iina,” sabi ni Cruz.

    Isinugod si Alma Lalic, 38, ang kanyang anak na may edad na 6 at 3 sa Saint Joseph Hospital sa Lubao.

    Dumaraing si Alma na masakit ang noo at balikat samantalang inoobserbahan sa operating room nakatatandang anak na natanggal ang mga laman sa kanang paa dahil sa pagkakasagasa ng gulong ng bus.

    Kalong umano ng ina ang 3-taong-gulang na anak at akay-akay naman ang dalawang ibang anak na 6- at 8-taong- gulang habang tumatawid sa pedestrian lane papuntang Saba Prado Elementary School na katapat lamang ng tawiran.

    Ang 8-taong-gulang na anak ay nakaatras kaya hindi nahagip ng sasakyan. Ang kalong na bunsong anak ay nabitiwan daw ng ina habang pinilit niyang mahatak si ang 6-taong- gulang upang hindi masagasaan.

    “Nakahinto ang mga sasakyan at sabi sa amin ng barangay tanod ‘tawid na’ pero may mabilis na bus na dumating,” sabi ng ina. May mga kasabay umano silang mga estudyante.

    Sinasagot naman daw ng pamunuan ng bus ang kanilang gastusin sa ospital.

    Sinabi ng dalawang manggagamot sa Saint Joseph Hospital na under observation pa ang bata na nasugatan sa kanang paa hanggang sa balakang.

    “May portion sa balat na patay kaya nilinis ng husto at sa Martes pa uli bubuksan,” sabi ni Dr. Jimmy Wania, anaestesiologist.

    Hindi naman masabi ni Dr. Wilfredo Laxa, surgeon, kung out of danger na ang bata. “Under observation pa,” sabi nito.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here