Home Headlines Nangangamoy na reefer containers pinamamadali nang i-dispose ng BOC-Subic

Nangangamoy na reefer containers pinamamadali nang i-dispose ng BOC-Subic

343
0
SHARE

SUBIC BAY FREEPORT – Pinamamadali na ng bagong talagang district collector ng Bureau of Customs-Port of Subic na si Atty. Geniefelle P. Lagmay ang pagtanggal sa mga overstaying reefer containers sa Subic Bay International Terminal na umano’y nagdudulot ng matinding mabahong amoy at pangamba sa publiko.


Sa isang panayam kay Lagmay sinabi nito na nauunawaan niya ang mga reklamo at hinaing ng mga mamamayan at iba pang apektadong sektor.


Bagama’t bago pa lamang siya sa puwesto at kasalukuyang inaalam ang kabuuang detalye sa nasabing isyu, tiniyak niyang gagawin ng BOC-Port of Subic ang lahat upang maresolba ang problema.
Nasa 118 reefer containers, karamihan ay 40-footer na naglalaman ng frozen products at iba pang perishable goods, ang matagal nang nakatengga sa terminal.

Ang mga reefer container ay basta na lang iniwan ng mga  consignee matapos kumpiskahin ng BOC dahil sa maling deklarasyon ng kargamento at hindi pagbabayad ng tamang buwis at kaukulang duties at ang ilan dito ay nakatambak na sa pantalan mula pa noong 2018.


Ayon sa ilang source, sinubukan nang iproseso para sa disposal ang mga abandonadong container noong 2024, gayunman, habang isinasagawa umano ang transportasyon para sa condemnation process, nagkaroon ng tagas ng mabahong likido mula sa ilang container na nagdulot ng reklamo mula sa mga komunidad na dinaanan nito.


Dahil dito, naghain ng reklamo ang lokal na pamahalaan ng Dinalupihan, Bataan at nagpatawag ng pagpupulong sa mga kinauukulan at mula noon, wala nang naiprosesong paglilipat o pagpapalabas ng mga abandonadong reefer containers.


Buwan ng Abril nang muling maghain ng reklamo ang All Hands Beach laban sa umano’y mabahong amoy mula sa Port of Subic matapos umanong magreklamo ang mga bisita at empleyado sa lugar.
Nilinaw naman ng Subic Bay Metropolitan Authority na wala sa kanilang mandato ang pagpapatupad ng regulasyon hinggil sa allowable stay ng containers at pag-aksyon sa overstaying reefers dahil ito ay saklaw ng ibang ahensya.


Tiniyak ni Lagmay na tututukan niya ang isyu at kinakailangan pa ring sundin ang tamang proseso at umiiral na mga regulasyon sa pagresolba ng usapin.

Samantala, ayon naman sa isang doktor mula sa Freeport Dispensary, maituturing lamang umanong “nuisance” ang mabahong amoy base sa Code of Sanitation at wala pang matibay na ebidensyang nagpapatunay na direktang nagdudulot ito ng seryosong sakit. Gganun pa man, sinabi nitong maaari pa ring makaapekto ang masangsang na amoy sa mga indibidwal na may dati nang karamdaman o sensitibong kondisyon sa kalusugan. Iginiit din ng doktor na pinakamainam pa rin ang agarang pagtatapon o disposal ng mga abandonadong container upang tuluyang mawala ang problema. Photos: Johnny R Reblando

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here