Home Headlines DENR, tinitiyak ang maayos na kalagayan ng mga pamilyang apektado ng sunog...

DENR, tinitiyak ang maayos na kalagayan ng mga pamilyang apektado ng sunog sa Navotas sanitary landfill

445
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) – Tinitiyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maayos ang kalagayan ng mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Navotas sanitary landfill.

Personal na binisita ni Environment and Natural Resources Secretary Juan Miguel Cuna ang 140 pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa Obando National High School.

Ayon kay Cuna, bahagi ng kanyang pagbisita ang patuloy na pagtugon ng DENR sa mga pamilyang apektado ng panganib sa kapaligiran, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang agarang aksyon ng pamahalaan para sa komunidad na nasa panganib.

Sa pagtungo ni Cuna sa evacuation site sa Barangay Paliwas, inalam nito ang kalagayan at pangangailangan ng mga apektado.

Katuwang ang Pamahalaang Lokal ng Obando, personal na binisita ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Juan Miguel Cuna ang kondisyon ng 140 pamilyang apektado ng sunog mula sa Navotas Sanitary Landfill. (DENR Region 3)

“Malinaw ang utos ng Pangulo, kapag may panganib sa mamamayan, kailangan naroroon ang pamahalaan – nakikinig sa mga apektadong pamilya at agad na kumikilos upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan at kaligtasan”, ani Cuna.

Sa ginawang on-site assessment, magkatuwang na tinalakay ng pamahalaang lokal at DENR ang patuloy na monitoring ng air quality, regular na pagbibigay ng public advisories, at mga agarang hakbang upang matugunan ang posibleng panganib sa kalusugan ng mga residente.

Tiniyak ni Cuna sa mga residente na patuloy na makikipagtulungan ang DENR sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya upang maprotektahan ang kalagayan ng kapaligiran, masubaybayan ang kalagayan ng kapaligiran at maipatupad ang mga nararapat na hakbang hanggang tuluyang maresolba ang sitwasyon. (MJCS/VFC, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here