Home Headlines ‘Faith Tourism’ ng Bulacan, tampok ang mga makasaysayang simbahan na deklaradong dambana

‘Faith Tourism’ ng Bulacan, tampok ang mga makasaysayang simbahan na deklaradong dambana

780
0
SHARE
Ito ang Simbahan ng Baliwag sa Lungsod ng Baliwag, Bulacan na dinarayo ng mga turista at mga mananampalataya tuwing Biyernes Santo dahil sa pagsasagawa ng pinakamahabang prusisyon na aabot sa halos 200 mga karosa. Kabilang ito sa 500 na mga deklaradong jubilee church kaugnay ng pagdiriwang ng Ika-500 Quincentennial ng Kristiyanismo sa Pilipinas. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Itinuturing na ‘peak season’ ng turismo sa Bulacan ang paggunita sa mga ‘Mahal na Araw’, dahil sa lalong pagdagsa ng mga turista at mga mananampalataya, sa mga makasaysayang simbahan sa lalawigan na pawang deklarado rin ng simbahan bilang mga pambansa at pangdiyosesis na dambana.

Ayon kay Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office Officer-in-Charge Limuel Jan Lobederio, tinatawag itong ‘Faith Tourism’ na isang aspeto ng turismo sa Bulacan na nakahanay sa mga eco-tourism, heritage tourism, culinary tourism, histourism, farm tourism at ang umuusbong na event tourism.

Masasabi aniyang ‘unique’ lamang sa Bulacan na habang natututo ang isang turista sa malalim na kasaysayan ng mga matatandang simbahan dito, mas napapalalim pa ang pananampalataya nito dahil pawang deklarado dambana ng Simbahang Katolika.

Ang 300 gulang na Simbahan ng San Miguel ay isang diocesan shrine para kay San Miguel Arkanghel na nasa San Miguel, Bulacan. Naging taguan ng mga pwersang Kastila na napasuko ni Col. Pablo Tecson sa kasagsagan ng rebolusyon laban sa mga Kastila. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Ang 300 gulang na Simbahan ng San Miguel ay isang diocesan shrine para kay San Miguel Arkanghel na nasa San Miguel, Bulacan. Naging taguan ng mga pwersang Kastila na napasuko ni Col. Pablo Tecson sa kasagsagan ng rebolusyon laban sa mga Kastila. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Bagama’t walang tiyak na bilang ng mga simbahan ang partikular na iniaalok sa mga turista at mananampalataya na bisitahin, kabilang sa mga makasaysayan ang simbahan ng San Miguel de Mayumo sa San Miguel, Bulacan. Taong 2025 nang nagdiwang ng Ika-300 taong anibersayo mula nang itatag ito ng mga paring Agustino noong Abril 19, 1725.

Naideklara naman ito noong 2021 bilang Diocesan Shrine ni San Miguel Arkanghel sang-ayon sa mga probisyon ng 1230-1234 ng Code of Canon Law ng simbahan. Sa aspeto naman ng kasaysayan ng bansa, pinagkutaan ito ng mga kawal na Kastila sa ilalim ni Telesforo Carrasco sa kasagsagan ng Labanan sa San Miguel noong Mayo 1898. Napasuko sila ni Col. Pablo Tecson noong Hunyo 1, 1898, ilang araw bago maiproklama ang Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12.

Pinaka dinarayo naman tuwing Biyernes Santo ang simbahan ng Baliwag sa Lungsod ng Baliwag, Bulacan dahil dito isinasagawa ang pinakamahabang prusisyon na aabot sa halos 200 mga malalaking karosa. Itinalaga rin ito ng Simbahang Katolika bilang isa sa mga 500 mga Jubilee Churches nang ipagdiwang ang Ika-500 Quincentennial  Anniversary  ng Kristiyanismo sa Pilipinas.

Sa simbahan ding ito bininyagan ang bayaning si Mariano Ponce, isang diplomatiko na sugo ng Pilipinas sa Japan sa ilalim ni Pangulong Emilio Aguinaldo. Siya ang nagsulong na dapat taglayin ng ugnayang panlabas ng Pilipinas ang prinsipyong ‘Ang Asya ay para sa mga Asyano at ang mga Asyano ay para sa Asya. Nasa kanang bahagi naman ng patio nitong simbahan ang pinag ganapan ng kauna-unahang halalang demokratiko sa Asya noong Mayo 6, 1899.

Lumuluhod sa harap nitong Simbahan ng Pulilan sa Pulilan, Bulacan ang mga kalabaw tuwing Mayo na kapistahan ni San Isidro Labrador, ang patron ng mga magsasaka. Sinasagisag nito ang pasasalamat sa masaganang ani. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Deklarado ring isang Dambana ng Diyosesis ng Malolos ang simbahan ng Pulilan na isang parokyang itinalaga para kay San Isidro Labrador, na patron ng mga magsasaka. Kilala ang Pulilan, Bulacan na sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng mga industriya, nananatili ang malaking papel ng mga Kalabaw sa pagsasaka.

Sa harapan nito lumuluhod ang mga Kalabaw na ipinaparada sa taunang Pulilan Kneeling Carabao Festival tuwing Mayo bilang pasalamat sa Dios ng mga magsasaka sa masaganang ani. Sa mahabang panahon, kinikilala ng Department of Tourism ang naturang pista, na sa maraming mga festival na may kinalaman ang Kalabaw, sa Pulilan lamang may lumuluhod na mga ito.

Sa aspeto ng pananampalataya, nagsisilbing ‘Inang simbahan’ ng mga simbahan sa Bulacan bilang lunduyan ng Diyosesis ng Malolos ang Katedral-Basilica Minore ng Malolos. Idineklara bilang isang Basilica Minore ng noo’y Papa Juan Pablo II noong Disyembre 1999. Bilang simbulo nito, pinutungan ng koronang ginto na handog ng mga mag-aalahas sa Meycauayan ang patrona nitong Immaculada Concepcion.

Sa ngalan ng Republika ng Pilipinas, isinagawa ang nasabing pagpuputong ni noo’y Unang Ginang Loi Ejercito Estrada. Noong panahon ng Unang Republika sa ilalim ni Pangulong Emilio Aguinaldo mula Setyembre 15, 1898 hanggang Marso 1899, nagsilbing Palacio Presidencial ang katedral na ito bilang opisyal na tahanan at tanggapan ng Unang Republika ng Pilipinas. Isa rin ito sa 500 mga Jubilee Church noong panahon ng Quincentennial Celebration.

Sinasadya ng mga mananampalataya ang katedral-basilica na ito lalo na tuwing Huwebes Santo dahil sa detalyado at glamorosong pagsasagawa ng Misa ng Huling Hapunan, kung saan nagaganap ang simbulikong paghuhugas ng mga paa ng mga apostol.

Kahit hindi mahal na araw, madalas na sinasadya ng mga turista at mga mananampalataya ang simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos, Bulacan na pinagtatagan ng Unang Republika ng Pilipinas. Kilala rin ito sa pagsasagawa ng ritwal ng Tenebre tuwing Miyerkules Santo kung saan unti-unting isinasara ang mga ilaw sa pagtatapos ng misa, na hudyat ng nalalapit na kasukdulan ng pagpapakasakit ng Panginoong HesuKristo. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Pinaka nagiging lundo naman ng Visita Iglesia ang pamosong simbahan ng Barasoain na nasa Lungsod ng Malolos, Bulacan. Kung ang Katedral-Basilica Minore ay naging Palacio Presidencial, ang Barasoain ay naging session hall ng Kongreso ng Malolos mula Setyembre 15, 1898 hanggang Enero 23, 1899.

Base sa mga batayang pangkasaysayan ng National Historical Commission of the Philippines, ito ang pinakamakasaysayang simbahan sa bansa sa aspeto ng kasaysayang pampulitika. Bukod sa mga sesyon ng Kongreso ng Malolos, dito ibinalangkas ang Saligang Batas ng 1899, na kauna-unahang saligang batas ng bansa, na nagkaloob ng iba’t ibang karapatang sibil sa mga Pilipino.

Sa bisa naman ng Saligang Batas ng 1899, pinasinayaan din sa kongresong ito ang Pilipinas bilang kauna-unahang Republika sa Asya. Para naman sa aspeto ng pampananampalataya, kilala ang simbahan ng Barasoain sa madamdaming seremonya ng Tenebre tuwing Miyerkules Santo. Ito ang ritwal ng unti-unting pagpapadilim ng loob ng simbahan kaugnay ng pagpapakasakit ng Panginoong HesuKristo.

Kilala rin ito sa ritwal ng ‘Latag’ tuwing Domingo de Ramos o ang Linggo ng Palaspas, kung saan isa itong prusisyon na ang mga gumaganap na apostol at ang pari ay lumalakad patungo sa Barasoain sa pamamagitan ng pagdaan sa mga inilatag na tela ng mga mananampalataya. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)Ito ang Simbahan ng Baliwag sa Lungsod ng Baliwag, Bulacan na dinarayo ng mga turista at mga mananampalataya tuwing Biyernes Santo dahil sa pagsasagawa ng pinakamahabang prusisyon na aabot sa halos 200 mga karosa. Kabilang ito sa 500 na mga deklaradong jubilee church kaugnay ng pagdiriwang ng Ika-500 Quincentennial ng Kristiyanismo sa Pilipinas. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here