Home Headlines Kartel ng sibuyas nais talupan ng Senado

Kartel ng sibuyas nais talupan ng Senado

212
0
SHARE

LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ – Binusisi ng Senate committee on agriculture, food and agrarian reform nitong Huwebes ang umano’y umiiral na kartel sa industriya ng sibuyas na nagdudulot ng pagkalugi sa mga magsasaka.

Pinangunahan ni Sen. Francis Pangilinanang kasama si Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson, mga grupo ng magsisibuyas, at mga ahensiya ng pamahalaan ang pagdinig na ginanap sa Philippine Carabao Center sa lungsod na ito.

Pangunahing pakay ng pagdinig na masuri ang epekto ng kadi-deklarang national energy emergency sa produksiyon ng pagkain at nagpapatuloy na krisis na kinakaharap ng mga magsasaka ng sibuyas.

“Humingi tayo ng mga impormasyon tungkol sa mga cold storage facility, tungkol sa mga nag-import nitong sibuyas para malaman natin,” ani Pangilinan.

Kasunod nito ay ipatatawag ng komite ang mga importer upang alamin ang puno’t dulo ng kanilang pagkakasangkot sa umano ay manipulasyon sa industriya, ayon kay Pangilinan.

“Totoo bang sila ay nagka-kartel? Totoo bang sila ay nag-uusap-usap? dagdag niya.

Dumalo rin sa pagdinig via online si Sen. JV Ejercito.

Lumabas din sa pagdinig na hindi magkakatugma ang datos ng Philippine Statistics Authority at Department of Agriculture hinggil sa produkaiyon ng sibuyas sa bansa dahil kung bakit patuloy ang pag-aangkat ng paboritong pampalasa ng mga Filipino gayung sobra-sobra pala ang lokal na produksiyon.

Ayon sa PSA, taong 2023 pa lamang ay nag-usap na ang ahensiya at ang DA upang i-harmonize ang kanilang datos. Dahil dito ay nagbanta si Pangilinan na haharangin niya ang budget ng naturang mga ahensiya sa susunod na budget season sakaling hindi pa sila magkasundo sa numero.

“Biro nga ay wala ba kayong group chat?” sabi Pangilinan sa panayam ng media.

Napuna rin ng komite ang mabagal na konstruksiyon ng mga cold storage facilities ng DA kung saan mula sa 91na pinondohan noong 2025 ay 30 pa lamang umano ang naitatayo.

Nangako naman ang DA na mabubuksan ang iba pang itatayong cold storage bago mag-anihan sa taong 2027. 

Hinikayat ni Pangilinan ang mga municipal agriculturist at iba pang kalahok sa pagdinig na ibigay sa komite ang pangalan ng mga pribadong onion trader na sangkot sa manipulasyon sa industriya. Photos: Ping Lacson FB page 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here