
LUNGSOD NG MALOLOS — Gumaan ang daloy ng trapiko sa lungsod na ito dahil sa dumalang ang mga sasakyan bunga ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo kasunod ng gyera sa Middle East.
Ang Malolos ay isa sa mga lungsod sa lalawigan na may mabigat na daloy ng trapiko pero ngayon ay malaki ang iniluwag nito ayon sa Malolos City Traffic Management Office.
Paliwanag ni Adel Asuncion, traffic operation officer, sa kanilang pagtaya ay nasa 50% ng mga namamasadang sasakyan ang tumigil na sa pamamasada at nasa 20% ng mga pribadong sasakyan ang nabawas sa kalsada.
Sa unang araw pa lang aniya na malaki ang itinaas ng presyo ng krudo at gasolina ay napansin na nila ang unti-unting pagkaunti ng mga motorista.
Dahil sa kumaunti ang mga sasakyan ay nasa 50% din ng travel time ang nabawas maging sa rush hour.
Ayon pa kay Asuncion, kung nabawasan ang bigat ng daloy ng trapiko ay nangangahulugan na apektado din ang hanapbuhay at negosyo sa lungsod dahil sa madalang na ang mga namamasyal at nagpupunta sa mga establisyemento.
Samantala, ayon kay Rogelio Carlos, pangulo ng isang kooperatiba ng jeepney drivers sa Malolos, sang-ayon siya sa obserbasyon ng traffic management office ng lungsod na malaki ang iniluwag ng trapiko sa Malolos.
Aniya, nasa 50% ng namamasada sa kanilang grupo ang tumigil na nga sa hanapbuhay dahil mas malaki pa aniya ang gagastusin sa krudo kaysa sa kikitain ay minabuti na ng karamihan sa kanila na huwag na munang lumabas ng kalsada.


