MALASAKIT ANG tawag natin sa Tagalog sa pakikiramay sa masasakit na karanasang pinagdaraanan ng mga taong hindi na iba sa atin. Ibang klaseng sakit ang malasakit. Iyung nasasaktan ka kapag nasasaktan ang mga taong may kaugnayan sa iyo. Katulad ng kuwentong narinig natin tungkol sa namatay at muling binuhay na kapatid nina Martha at Maria.
Kay San Lukas, mayroon ding kuwento tungkol sa kanilang magkakapatid sa Lk 10:38-42. Ang punong abala ay si Martha. Ang mahilig pumapel bilang tagasalubong at taga-entertain ay si Maria. Pero sa kuwentong narinig natin ngayon, parang bumaligtad. Ano ba ang nangyari?
Nagkasakit daw si Lazaro at nagpasabi agad ang magkapatid na babae kay Hesus, pero hindi nakarating si Hesus. Patay na ito nang, sa wakas, nagdesisyon si Hesus na dumalaw at makiramay. Nailibing na si Lazaro.
Nasa bahay daw ang dalawang magkapatid nang sabihan silang paparating na si Hesus. Sino nga ulit ang mahilig pumapel na tagasalubong at taga-entertain? Pero sino ang sumalubong? Hindi si Maria. Bakit? May kutob ako: nagtatampo siya. Sa totoo lang parehong may tampo ang magkapatid; pero mas malakas lang ang loob ni Martha na maglabas ng saloobin sa kaibigan.
Kaya pagsalubong, mabilis na nailabas ang tampo ni Martha: KUNG NANDITO KA LANG… Marami na akong narinig na nagtampo sa Diyos. Ang reklamo nila ay “Nasaan ka noong kailangan ka namin?” Isang masakit na sumbat. Kaya napaiyak si Hesus. (Hindi na dahil sa kamatayan ni Lazaro kundi dahil sa sakit na dulot nito sa dalawang babae, na ngayon ay masama ang loob sa kanya.) Di na siya humirit para magpaliwanag dahil naiintindihan niya ang tampo ng magkapatid.
Paano niya ipaliliwanag sa kanila na binabalaan siya ng mga otoridad sa Judea? Na kapag nangahas siyang pumasok sa Judea, aarestuhin siya at ikukulong. Na delikado ang buhay niya. Pero dahil hindi matiis na hindi madamayan itong pamilyang malapit sa puso niya, kahit delikado nangahas pa rin siya.
Kaya nga ang tindi ng reaksyon ng mga alagad nang sabihing tutuloy pa rin sila sa Judea – “Nagpapakamatay ka ba? Ba’t tayo pupunta roon kung alam mong napakainit ng mata ng mga otoridad sa iyo!” Pero hindi siya masaway. Kaya si Tomas sinabi niya, “Sige na nga, mamatay kung mamatay. Samahan na natin siya.”
Pagdating nila, sumbat pa ang unang sasalubong? Di ba masakit iyon? Nilunok na lang ni Hesus. Hindi na siya nangatwiran. Palagay ko niyakap niya si Martha at naiyak siya. Paano niya sasabihin na ang pagpasok niya sa Judea—ikabuhay man ni Lazaro, ay ikamamatay naman niya? Tapos, uulitin pa ni Maria ang sumbat pagpasok ni Hesus sa bahay. Kaya naiyak siya—nakita niya kung gaano kasakit sa magkapatid ang pagkawala ng kapatid nila. Ito ang tinatawag kong sakit na dulot ng malasakit.
Parang palaisipan ang dulo ng kuwento. Ito na ba ang tinatawag nating muling pagkabuhay—itong gagawin ni Hesus kay Lazaro? Hindi pa. Parang patikim pa lang. Sa Ingles, resuscitation ang tawag diyan, hindi resurrection. Bakit? Kasi namatay siyang muli, sa kalaunan.
Ang sinasabi kong palaisipan ay ang telang pinambalot kay Lazaro. Nabuhay nga si Lazaro pero hindi makahulagpos sa ibinalot na telang lino sa kanya. Inutusan pa ni Hesus ang mga tao na kalagan siya. Bakit palaisipan ito? Kasi uulit sa dulo ng ebanghelyo ang kuwento tungkol kay Hesus matapos siyang ilibing. Ang kuwento sa nangyari nang balikan ang bangkay niya at makitang bukas ang libingan, pero nawawala ang katawan.
Hindi na pareho ang sitwasyon: naroon ang telang pinagbalutan sa kanya—nakarolyo pa rin ito. Pati ang telang pinantakip sa ulo niya—nakatiklop pa rin ito. Naroon ang pinambalot, pero nawawala ang ibinalot na katawan. Ito ang palaisipan na hindi maintindihan ni Pedro. Kung ninakaw nga naman ang bangkay, bakit pag-aaksayahan pa ng panahon na alisin siya sa telang pinambalot sa kanya? At bakit pag-aaksayahan pa nila ng panahon na tiklupin ang mga tela? Pero ang bunsong alagad—pumasok din daw siya, tumingin, at naniwala.
Hindi na ito kapareho ng nangyari kay Lazaro. Nabuhay nga siyang muli pero katawang-lupa pa rin, kaya namatay pa rin. Sabi nga ni San Pablo sa paliwanag niya tungkol sa muling pagkabuhay:
Sa Romans 6:9-11, sinabi niya, “Alam natin na si Kristo’y muling nabuhay at hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. Minsan lang siyang namatay para sa ating mga kasalanan at nabubuhay siya ngayon para sa Diyos. At dahil na kay Kristo na kayo, ituring ninyo ang inyong mga sarili na patay na sa kasalanan at nabubuhay na para sa Diyos.”
(Homiliya para sa Panlimang Linggo ng Kuwaresma, 22 Marso 2026, Juan 11:3-45)



