Home Headlines ‘Malolos brand of business’ palalakasin ng DTI, mga babaeng negosyante

‘Malolos brand of business’ palalakasin ng DTI, mga babaeng negosyante

175
0
SHARE
Kapiling nina Bise Gobernador Alexis Castro (pangatlo mula sa kanan) at Malolos City Mayor Christian Natividad (kaliwa) ang mga bagong talaga na mga opisyal at board of directors ng Malolos Chamber of Commerce and Industry na magsusulong ng malakas na Malolos Brand of Business sa tulong ng Department of Trade and Industry. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Paiigtingin ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng bagong tatag na Malolos Chamber of Commerce and Industry (MCCI) na pawang kinasasapian at pinamumunuan ng mga kababaihan, ang pagtutulungan para isinusulong ang isang malakas na Malolos brand of business.

Ipinahayag ni DTI Bulacan Acting Provincial Director Coco Chanel Garcia-Yap na higit pa ito sa pagkakaroon ng branding ng isang produkto, kundi maglalagay sa Malolos sa mapa ng mga mangangalakal at mamumuhunan.

Magiging pinakabago aniyang public-private partnership model ito para makahikayat ng mas marami pang mga micro, small and medium enterprises.

Bilang kabisera ng Bulacan, apat ang inilagak ng DTI na Negosyo Center na matatagpuan sa Bulacan Chamber of Commerce and Industry office sa Hiyas ng Bulacan Convention Center, DTI Bulacan Provincial Office, Lingkod Pinoy Center sa Robinson’s Place Malolos, at sa Business One-Stop Shop ng New Malolos City Hall.

Kaya naman sinabi ni MCCI President Mona Richelle Bumanlag na para matupad ang adhikain na magkaroon ng isang ‘Malolos Brand’, kinakailangan aniya na may mga kaukulang permits ang bawat mga negosyo at mga bagong pamumuhunan sa lungsod para magkaroon ng seguridad at integridad.

Ibig sabihin, magiging bahagi ang kredibilidad sa pakikipagtransaksiyon at mapanatili ang tiwala ng mga kliyente at tagapagtangkilik ng isang negosyo.

Kaugnay nito, tiniyak ni Malolos City Mayor Christian Natividad na lalong mamumuhunan ang pamahalaang lungsod sa edukasyon ng kabataan, upang makapagpatapos ng matataas na kalidad ng mga lakas paggawa bagong henerasyon ng mga negosyante.

Malayo na aniya ang narating ng Malolos sa larangan ng edukasyon mula noong 2011, kung saan naitala ang lungsod na may pinakamataas na drop-out rate sa high school. Isa ring malaking hamon noon ang pagkakaroon ng hanggang 98 mga mag-aaral sa kada isang silid-aralan na may isang guro.

Bilang bahagi ng mga reporma ng pamahalaang lungsod, sa tulong ng epektibong koleksiyon ng buwis mula sa mga nagbukas na mga bagong negosyo, nakapagpatayo ng maraming mga school buildings sa Malolos kaya’t natamo ang ratio na 1:40 o 40 mga mag-aaral sa kada isang silid-aralan.

Pinakamalaking resulta nito ang paggagawa ng Department of Education sa Malolos bilang Top 5 Most Literate City noong 2023.

Samantala, pinangunahan naman ni Bise Gobernador Alexis Castro ang 2nd Induction Ceremony ng mga bagong talaga na mga opisyal at board of directors na pinangunguluhan ni Katrina Aniag, isang traditional food and packaging entrepreneur.

Aabot na sa humigit kumulang 100 MSMEs ang miyembro ng MCCI. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here