
GUIGUINTO, Bulacan (PIA) — Magbubukas ng Labor Law Academy ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Bulacan para matiyak na matututukan ang pagpapalakas ng employers’ compliance ng mga pribadong kumpanya sa lalawigan.
Iyan ang iniulat ni DOLE Regional Director Geraldine Panlilio sa pagbubukas ng nominasyon para sa 14th Gawad Kaligtasan at Kalusugan na itinaguyod ng Occupational Safety and Health Center ng ahensiya.
Ipinaliwanag niya na bagama’t nasa 95 porsyento ang employers’ compliance rate sa Gitnang Luzon, nananatiling hamon na may mga hindi sumusunod na kumpanya sa Bulacan sa aspeto ng occupational safety at health concerns ng kani-kanilang mga empleyado.
Sa pamamagitan ng Labor Law Academy, magiging instrumento ito sa pagpapalakas ng kamalayan ng mga manggagawa para sa kanilang mga karapatan at benepisyo, gayundin ang pagpapaliwanag at pag-ubliga sa mga employers sa kani-kanilang mga ubligasyon sa mga manggagawa.
Prayoridad na maisailalim sa mga kasanayan at oryentasyon ng Labor Law Academy ang mga micro, small and medium enterprises na bumubuo ng 98% ng mga employers sa Bulacan.
Aprubado na ni Gobernador Daniel Fernando ang paglalagak ang Labor Law Academy sa New Public Employment Service Office (PESO) Building na nasa bakuran ng Kapitolyo ng Bulacan.
Magiging kalapit nito ang mga tanggapan ng Provincial PESO at ang Blas F. Ople Livelihood Center.
Samantala, nakalinya na sa Bulacan ang serye ng mga employers forum kaugnay ng pagpapatupad sa Republic Act 11058 o ang Occupational Safety and Health Standards Act of 2018.
Sinimulan nitong Marso 23 kung saan 600 employers mula lungsod ng Baliwag ang lumahok, 400 mula sa bayan ng Bocaue, 600 mula sa lungsod ng Meycauayan, 500 mula sa lungsod ng San Jose Del Monte, at 1,000 mula sa lungsod ng Malolos. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)


