Home Headlines Mabilisang pagtatayo ng magandang kalidad na silid-aralan, pinasimulan ni PBBM sa Bataan

Mabilisang pagtatayo ng magandang kalidad na silid-aralan, pinasimulan ni PBBM sa Bataan

161
0
SHARE

MARIVELES, Bataan (PIA) — Naipatayo na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang unang prefabricated na mga silid-aralan sa pilot site nito sa Mariveles National High School-Alasasin Annex sa Bataan.

Sa kanyang inspeksiyon, iniulat ni Education Secretary Sonny Angara sa pangulo na naitayo ang dalawang magkadikit na silid-aralan sa loob ng wala pang isang linggo.

Ang sistema, ginawa ang prefabrication nito sa isang planta sa labas ng paaralan. Kapag natapos na, saka pa lamang idedeliver upang buuin at maitayo sa tukoy na lugar sa campus.

Sa pamamagitan nito, mas mapapabilis ang pagpapatayo ng maraming matataas na kalidad na mga silid-aralan sa buong bansa sa mas maikling panahon.

Nagsagawa ng inspeksiyon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa unang dalawang prefabricated na silid-aralan na naitayo sa Mariveles National High School-Alasasin Annex sa Bataan. Bahagi ito ng programa ng administrasyon upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga magandang kalidad na silid-aralan sa buong bansa. (PCO)

Kabilang sa mga paraan ng pagtatayo ng administrasyon ng mga silid-aralan ang public-private partnership (PPP), kung saan ipapatayo ito ng pribadong sektor sa loob ng partikular na panahon.

Sa ilalim ng PPP for School Infrastructure Project (PSIP) Phase III, nasa 16,000 ang target na inisyal na maipatayo pagsapit ng taong 2028.

Para sa PSIP IV at V, target makapagpatayo ng mahigit 100,000 na mga silid-aralan sa pagitan ng mga taong 2026 hanggang 2031.

May ipapatayo rin na inisyal na 24 hanggang 25 libong silid-aralan na popondohan ng taunang pambansang badyet.

Bilang panimula, ang unang siyam na libong silid-aralan ay ipapatayo sa tulong ng P9 bilyon na inilaan mula sa 2026 General Appropriation Act.

Iba pa rito ang mga ibinabang pondo ng pamahalaang nasyonal sa mga pamahalaang lokal upang ipangpagawa rin ng mga silid-aralan.

Kaugnay nito, malaking ginhawa naman ang pagkakatayo nitong prefabricated classrooms sa Mariveles National High School-Alasasin Annex.

Para sa Grade 11 student na si Renz Pagsibigan, magiging maginhawa na ang kanilang pag-aaral dahil marami ang iniligay na bentilasyon kumpara sa dati nilang silid-aralan na mainit.

Sinabi naman ng class adviser na si Hadassah Grace Bersamina na mapalad ang mga batang gagamit dahil ito ang una sa Pilipinas ng ganitong klase ng silid-aralan.

Namangha rin aniya siya nang masubaybayan ang paraan ng pagkakatayo nito na natitiyak na matibay.

Samantala, kasabay ng pagbubukas nitong prefabricated na silid-aralan, ipinagkaloob sa mga mag-aaral ng Grade 7 ang 300 na mga tablets bilang suporta sa Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program.

Magsisilbing pandagdag ito sa paglulunsad ng Contextualized Learning Management System na isang digital learning platform. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bataan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here