NGAYONG INTERNATIONAL Women’s Day, nararapat lamang na ating kilalanin at parangalan ang mga kababaihang Pilipina na sa iba’t ibang yugto ng ating kasaysayan ay nagpakita ng pambihirang tapang, malasakit, at sakripisyo para sa kalayaan, katarungan, at demokrasya ng ating bayan.
Sa panahon ng pakikibaka laban sa mga mananakop na Espanyol, hindi matatawaran ang ambag ng mga kababaihan sa laban para sa kalayaan. Nariyan si Gabriela Silang, ang kauna-unahang babaeng namuno sa armadong pag-aalsa laban sa kolonyal na kapangyarihan ng Espanya. Matapos mapatay ang kanyang asawa na si Diego Silang, buong tapang niyang ipinagpatuloy ang laban sa Ilocos upang ipaglaban ang kalayaan ng bayan.
Kasama rin sa hanay ng mga dakilang kababaihan si Melchora Aquino, na kilala bilang Tandang Sora. Sa kabila ng kanyang katandaan, binuksan niya ang kanyang tahanan upang magsilbing kanlungan ng mga Katipunero noong Philippine Revolution laban sa Espanya. Pinakain niya ang mga nagugutom, inalagaan ang mga sugatan, at pinalakas ang loob ng mga mandirigmang lumalaban para sa kalayaan. Dahil sa kanyang katapangan at malasakit sa bayan, siya ay kinilala sa kasaysayan bilang “Ina ng Himagsikan.”
Sa panahon ng pananakop ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, muli ring tumindig ang mga kababaihan sa gitna ng panganib. Isa sa mga natatanging halimbawa nito ay si Remedios Gomez-Paraiso, na mas kilala bilang Kumander Liwayway. Bilang isang lider ng mga gerilya ng Hukbalahap sa Pampanga, pinamunuan niya ang mga mandirigma sa pakikipaglaban laban sa mga puwersang Hapones noong World War II. Sa murang edad at sa kabila ng karamdaman, pinatunayan niyang ang kababaihan ay kayang manguna at lumaban para sa kalayaan ng bayan.
Sa mas makabagong yugto ng ating kasaysayan, nang dumaan ang bansa sa madilim na panahon ng diktadura, muli ring naging mahalagang bahagi ng pakikibaka ang kababaihan. Noong panahon ng First Quarter Storm, naitatag ang
Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka)
sa pangunguna ng batang manunulat at aktibista na si Lorena Barros. Ang kilusang ito ay naging mahalagang boses ng kababaihan sa pakikibaka laban sa pang-aabuso at sa diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr.
Sa parehong panahon ng paglaban para sa demokrasya, isang ina at biyuda ang naging simbolo ng mapayapang pakikibaka ng sambayanan. Matapos ang pagpaslang sa kanyang asawa na si Benigno Aquino Jr., buong tapang na tinanggap ni Corazon Aquino ang hamon ng kasaysayan. Ang kanyang pamumuno at paninindigan ang nagbigay inspirasyon sa milyun-milyong Pilipino upang ipaglaban ang kalayaan at demokrasya sa makasaysayang People Power Revolution ng 1986—isang mapayapang pag-aaklas na nagpatalsik sa diktadura at nagpanumbalik ng demokrasya sa ating bansa.
Ngunit ang kabayanihan ng kababaihan ay hindi lamang makikita sa mga pahina ng kasaysayan.
Ito ay naroroon din sa bawat tahanan at pamayanan—sa mga ina ng tahanan na walang sawang nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya; sa mga guro, manggagawa, tindera, empleyada, mga kasambahay na patuloy na naglilingkod sa kapwa at sa bayan.
Sa bawat panahon ng pagsubok ng ating bansa, napatunayan na ang kababaihang Pilipina ay hindi lamang tagamasid ng kasaysayan—sila ay tagahubog ng kasaysayan.
Ngayong International Women’s Day, ating alalahanin na ang tunay na lakas ng isang bansa ay makikita sa tapang, talino, malasakit, at pagmamahal ng kanyang mga kababaihan—para sa pamilya, para sa bayan, at para sa kinabukasan ng susunod na salinlahi.
Sa lahat ng kababaihang Pilipina—mga bayani ng kasaysayan at mga tahimik na bayani ng ating mga tahanan—kayo ay aming pinupugayan at ipinagmamalaki.
Mabuhay ang kababaihang Pilipina!
Mabuhay ang kanilang katapangan at sakripisyo!
Mabuhay ang kanilang walang kupas na pagmamahal sa pamilya at sa bayan!



