BALANGA CITY – Unti- untIng nagdadatingan sa magandang lungsod na ito ang mga ibong taon-taong dumarayo sa Bataan upang iwasan ang malamig at nag-yeyelong klima sa mga bansang pinagmulan sa Asia at Europa.
Unang dumating ang mga ibong puti na kabilang sa species ng large, medium at small egret. Tila naglalarong naghahabulan, nag-uunahan sa pagtuka sa maliliit na isda sa pinatutuyong palaisdaan na hindi alintana ang mga mangingisdang nanghuhuli ng alimango noong Martes.
Ang iba’y nanghahaba ang leeg na waring ipinagmamalaki ang magilas na tindig. alapit lamang ang palaisdaan sa Wetland Park sa Barangay Tortugas kung saan matatagpuan ang ilang cottage na may bubong na pawid na kainan at pahingahan ng mga bisita. Meron din ditong viewing deck at tourist information center na nakaharap sa malawak na Manila Bay.
Karaniwang dumadagsa ang maraming uri ng dayong ibon sa Bataan lalo na sa Balanga City sa huling linggo ng Setyembre at tumatagal hanggang huling linggo ng Marso. Ilan taon nang idineklara ng Department of Tourism ang Balanga sa pamumuno ni Mayor Jose Enrique Garcia III bilang isa sa mga bird watching sites sa bansa.