17 buntis nagpasiklaban

    700
    0
    SHARE

    MARIVELES, Bataan- Labing-pitong buntis ang nagpasiklaban upang masungkit ang titulong Ginang Buntis 2014 na ginanap sa People’s Center dito Miyerkules ng gabing puno ng saya.

    Sa opening number pa lamang ay tilian na sa tuwa ang maraming manonood sa nagsisikip na Mariveles People’s Center. Lalo nang lumakas ang palakpakan at may paghangang sigawan nang magpakita ng iba’t-ibang talento ang mga kalahok at rumampa na suot ang naggagandahang long gowns.

    Tulad ng karaniwang beauty pageant, may question and answer portion din. Ang mga tanong ay halos sumesentro sa pagbubuntis at pangangalaga sa kalikasan. “Kalikasan ay Pangalagaan Para sa Kinabukasan ng nasa Sinapupunan.” Ito ang pinaka-tema ng selebrasyon.

    “Sa Mariveles, pinangangalagaan natin ang mga buntis pati na ang kalikasan tulad ng bundok at karagatan ,” sabi ni Mayor jesse Concepcion. Hinarana at hinandugan ng rosas ni mayor ang mga buntis.

    Ayon kay Dr. Cleoty Concepcion, maybahay ng punong-bayan at chairperson ng Buntis congress, ang Ginang Buntis pageant ay hindi lamang beauty contest. “Ang mga babae ay tinuturuan ng mga dapat gawin sa panahon ng kanilang pagbubuntis hanggang sa sila’y makapanganak na.”

    Lagi aniyang nakaalalay ang municipal health center sa pamumuno ni Dr. Danilo Velasco at iba pang health institutions sa Mariveles upang magabayan ang mga nagbubuntis.

    Sa 17 kandidata, 20 taong gulang ang pinakabata at 32 taong gulang naman ang pinakamatanda. Mula sa lima hanggang walong buwan ang kanilang pagbubuntis. Pinakamapalad si Guen Acosta, 22, isang pastry maker sa barangay Maligaya, matapos siyang mapili bilang Ginang Buntis Nature 2014.

    Ang mga runner- ups ay tinawag na Ginang Buntis Earth, Air at Fire. Ito ang unang pagbubuntis ni Acosta.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here