1.
Kung ika’y walang trabaho, o DEHADONG manggagawa
sa TUPAD ang pangalan mo’y baka mapasamang bigla
lalo kung ang naatasang tao na NANGANGASIWA
susunod sa PATAKARAN na dito ay itinakda
maaaring isa ka sa mabibigyan ng BIYAYA
tulong PANGHANAP-BUHAY sa kagawaran ng paggawa
2.
Ngunit kung ang tagalista’y NAMIMILI ng bibigyan
ay malabong masali ang pangalan mo sa LISTAHAN
dahil tanging kamag-anak, at malapit na KAIBIGAN
lamang palagi ang mga taong NABIBIYAYAN
kahit di kwalipikado’t di pasok sa PAMANTAYAN
nitong DOLE, ay ganyan ang nangyayari kadalasan
3.
At dahil sa nangyayari maraming NAG REREKLAMO
mga DISADVANTAGE WORKERS at nawalan ng trabaho
ang dapat sanang MABIGYAN sa nasabing benepisyo
ang siyang nababalewala at palaging AGRABYADO
kung sino pa yaong mga sa buhay ay ASENSADO
na antas ng pamumuhay ay laging BENEPISARYO
4
Ang mga POOREST of the POOR na hilahod na sa hirap
laging wala sa LISTAHAN nitong mga tagasulat
kung tulong panghanap-buhay ang layunin nitong TUPAD
di ba’t sila ang dapat na mabigyan ng PRAYORIDAD ?
hindi yaong mga taong hindi naman NAGHIHIRAP
MAALWAN ang pamumuhay at kumikita ng sapat
5.
Malaking tulong ang TUPAD kung maayos ang sistema
at hindi NABABAHIRAN ng maruming pulitika
ito’y programa ng DOLE na mabigyan ng suporta
mga kababayan nating di sapat ang KINIKITA
ang ilan sa PULITIKONG mahilig mamulitika
nakikisawsaw sa TUPAD para sa pangangampanya
6.
At kung sa barangay naman padadaanin ang TUPAD
hindi rin naman MAAYOS ang dapat na ipatupad
sapagkat ang nabibigyan lamang ay mga ALAGAD
ng kapitan at ang mga piling tao ng KAGAWAD
kung ang mga namumuno di maganda ang PALAKAD
ay wala rin namang SAYSAY ang programang inilahad
7.
May ALITUNTUNIN naman bakit hindi pag-aralan
kung sino ang mga taong dapat na MABIYAYAN
hindi porke’t kamag-anak at MALAPIT na kaibigan
kahit di dapat isali ay kasama sa LISTAHAN
wika nga ng matatanda tayo ay may KASABIHAN
ang malapit sa kaldero ang madalas MAULINGAN



