Home Headlines NIA inilatag ang agaran, matagalang pag-ayos sa Bustos Dam Rubber Gates

NIA inilatag ang agaran, matagalang pag-ayos sa Bustos Dam Rubber Gates

161
0
SHARE

BUSTOS, Bulacan (PIA) — Naglatag ang National Irrigation Administration (NIA) ng mga agarang hakbang at pangmatagalang solusyon para maisaayos ang mga nasirang rubber gates ng Bustos Dam sa Bulacan.

Iyan ang iniulat ni NIA Administrator Eduardo Guillen sa isang diyalogo sa mga magsasakang Bulakenyo kung saan kapiling si Senate Finance Committee Chairperson Sherwin Gatchalian bilang bahagi ng study tour kung papaano ginugugol ng ahensiya ang pondo.

Para sa paglalagay ng matatag na harang sa mga nasirang rubber gates 3 at 5, may halagang P45 milyon para sa paglalagay ng isang cofferdam.

Ito ang mga pulidong steel sheet pile na ilalagay sa mga dating kinalalagyan ng rubber gates 3 at 5.

Para matiyak na talagang walang magiging tagas sa panahon na mataas ang tubig sa Bustos Dam, lalagyan na rin ang mga rubber gates 1, 2, 4 at 6.

Hindi lamang basta harang ang ilalagay dito, patatagin ito ng isang toneladang mga sandbags na may sukat na 90 centimeter (cm) by 90 cm by 100 cm.

Umimpis ang rubber gate 5 noong Mayo 2020 na sinundan ng pagkasira rin ng rubber gate 5 noong Mayo 2025.

Nagbunsod ito upang matapon ang iniimbak na patubig sana para sa sakahan ng palay sa panahon ng tag-araw mula sa 17. 37 meter sa pagiging 14.85 meter na lamang.

Ipinapaliwanag ni National Irrigation Administration Administrator Eduardo Guillen (kaliwa) kay Senate Finance Committee Chairperson Sherwin Gatchalian (kanan) ang kahalagahan ng pagpapalit ng lahat ng rubber bladders sa mga check gates sa Bustos Dam sa Bulacan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Kaugnay nito, tiniyak ni Senador Gatchalian na rerepasuhin ang paglalaan ng P1.5 bilyon na isinusulong ng NIA na maipasok sa 2027 National Expenditure Program.

Ito ang magpopondo upang mapalitan ng bagong rubber bladders ang lahat ng anim na check gate ng Bustos Dam.

Gayundin ang pagkakaroon nito ng embedded steel works, concrete anchorage at ng solar-powered sprinkler system.

Kasama rin sa mga probisyon nitong panukalang pondo ang paggawa ng mga slope protection o dike at dredging sa kabuuang 3.7 kilometrong Bustos Dam.

Samantala, mangangailangan din ang NIA ng P565 milyon para sa Bustos Dam Afterbay Structure Project.

Ito ang pagtatayo ng isa pang mga istraktura na kokontrol sa tubig ng Bustos Dam, bukod sa kagaya nitong istraktura na nakikita malapit sa mga rubber gates.

Nakapaloob na gagawin dito ang dalawang metrong taas na broad crester weir, 5.82 meter na taas ng reinforced concrete retaining wall, 16 sluice/control steel gates at mga solar-powered pump.

Sinimulan na ang naturang proyekto kung saan nilaanan ito ng Department of Budget and Management ng tig-P100 milyon mula sa mga Pambansang Badyet ng 2024 at 2026.

Direktang nakikinabang sa Bustos Dam, ipinatayo ng Pamahalaan Sibil ng United States noong 1927, ang nasa 207 na mga magsasaka ng palay sa ilalim ng Angat-Maasim River Irrigation System. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here