Home Headlines NIA-UPRIIS ipagagawa ang nasirang submersible pumps 

NIA-UPRIIS ipagagawa ang nasirang submersible pumps 

151
0
SHARE

GUIMBA, Nueva Ecija – Tiniyak ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS) na tutulungan nito ang grupo ng mga magsasaka sa pagpapagawa ng nasirang solar-powered submersible pumps nito sa Barangay Villarosa, Licab, Nueva Ecija

Ayon kay Engr. Roberto Matias, manager ng NIA-UPRIIS Division V, kasama na sa budget ng ahensiya ngayong 2026 ang P1.1 milyon para sa repair ng dalawang submersible water pumps na nauna nang ipinagkaloob ng NIA sa Guimba-Licab irrigators association (IA) na nasira noong nakaraang taon.

Nilinaw gayunman ni Matias na ang pagsasaayos ng pasilidad ay nakaatang sa IA. Ngunit dahil hindi madali sa mga magsasaka ang kinakailangang halaga ay tumutulong na rin ang NIA-UPRIIS sa pangunguna ni Engr. Alvin Manuel bilang department manager.

Ipinaliliwanag ni NIA-UPRIIS Division V manager Engr. Roberto Matias ang benepisyo ng solar-powered submersible pumps sa mga apektadong lupain. Kuha ni Armand Galang

Ang naturang mga submersible pumps ay nagaangat ng tubig mula sa ilog ng Licab patungo sa mahigit 20 ektaryang palayan sa mataas na bahagi ng NIA-UPRIIS service area na hindi naabot ng irrigation canal.

Gumastos na rin umano ng mahigit P400,000 ang IA nang unang nasira ang pasilidad noong 2023.

“Ini-evaluate na po ‘yung program para sa mga solar project at kasama na po doon ‘yung sa Villarosa,” ani Matias.

Ayon kay Ricardo Nin̈o, opisyal ng IA na nangangalaga sa pasilidad, nasira ang propeller ng makina dahil sa mga banlik, o mga pinung-pinong lupa/putik na sumasama sa tubig kapag bumabagyo, na nahihigop ng mga ito.

Sa ngayon, ayon kay Nin̈o ay umaasa sila sa bombang patubig na inilagay at pinauupahan ng ilang pribadong indibidwal sa pampang ng ilog lung saan kailangan nilang magbayad ng sampung porsiyento ng kanilang ani.

Higit aniyang mataas ito kumpara sa tatlong porsiyento ng ani na sinisingil nila bilang kontribusyon sa mga magsasaka na kasapi ng kanilang IA.

Nagpapasalamat aniya ang kanilang samahan sa ipinagkakaloob na suporta ng NIA-UPRIIS.

“Baka sakaling sa susunod na season ay magamit na. Malaking katipiran para sa amin,” sabi ni Nin̈o.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here