SAMAL, Bataan – Sinimulan nitong Linggo ang paglilinis sa mga kanal at gilid ng mga kalsada sa 14 na barangay ng baying ito bilang bahagi ng pagpuksa sa mga lamok na nagdadala ng nakamamatay na sakit na dengue.
Sama-sama ang mga kabataan at katandaan, na karamihan ay babae na kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng kasalukuyang pamahalaan.
Sa barangay Ibaba ay nilinis nila ang mga kanal at hinawan ang mga damo na karaniwang pinamumugaran ng mga lamok. “Ginagawa namin ito upang makaiwas sa dengue,” sabi ni Rosalinda Nallas, isang residente sa Sitio Valerio.
May bahagi ang sitio na inaabot ng tubig dagat sa panahon ng high tide.
Sinabi ni Bernie Fernandez, 26, na ang proyekto ay isang initiatibo ng Samal Integrated Youth Organization na binubuo ng may 200 kabataan mula sa 14 na barangay na siya ang pangulo.
“Ito’y upang masugpo ang mga lamok na nagdudulot ng mapaminsalang sakit na dengue na karaniwang dumarami matapos ang bagyo at baha,” sabi ni Fernandez. Tuloy-tuloy, aniya, ang kanilang gagawing paglilinis tuwing araw ng Linggo.
Ayon sa report, may 66 na kaso ng dengue ang tinanggap ng Bataan General Hospital sa Balanga City mula Enero hanggang katapusan ng Hunyo ng taong ito. Noong 2012 ay may 763 kaso.
Sa parehong panahon ay walang na-rehistrong namatay.