DINALUPIHAN, Bataan- Dalawa ang patay samantalang dalawa ang malubhang nasugatan sa banggaan ng magkasalubong na closed van at isang tricycle sa kahabaan ng Olongapo-Gapan Road sa Barangay Pinulot dito Lunes ng tanghali.
Ayon kay Dr. Ariel de Vera, attending physician ng Sto. Ara Medical Center sa Happy Valley, Dinalupihan, dead on arrival si Rolando Relucio, 56 at namatay habang ginagamot si Robert Retuerne, 45, driver ng tricycle.
Malubha namang nasugatan si Jason Retuerne, 25, na agad inilipat sa James Gordon Memorial Hospital sa Olongapo City. Ang tatlo na pawang taga-San Pedro sa Hermosa, Bataan at sakay ng tricycle ay may mga head injuries at open fractures, sabi ng doktor.
Ang driver ng closed van na si Augusto Balite, 33 ng Tinambac, Camarines Sur, ay isinugod sa Jose Payumo District Hospital sa Dinalupihan ngunit agad inilipat sa Jose Lingad Hospital sa San Fernando, Pampanga, sabi ni PO3 Dennis Abad, Dinalupihan police investigator.
Sinabi ni Boyet Sta. Rosa, Pinulot barangay tanod, na nag-overtake ang closed van sa isang motorsiklo ngunit nag-alanganin at nadumog ang kasalubong na tricycle. Sa lakas ng impact, tumilapon, aniya, sa kalsada ang tatlong sakay ng tricycle.
“Matapos madumog ang tricycle, nawalan ng control ang van at nadumog sa punong-kahoy,” sabi ng tanod.
Nanawagan naman si Pinulot barangay captain Joselito Licossa sa Department of Public Works and Highways na lagyan ng signboard o signage ang national highway sa barangay.
“Accident-prone area ang aming lugal at maraming nangyayaring aksidente dito,” sabi ng kapitan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya, sabi ni PO3 Dennis Abad.