Home Headlines NHCP: Edukasyon ng mga kababaihan, utang sa mga Kadalagahan ng Malolos

NHCP: Edukasyon ng mga kababaihan, utang sa mga Kadalagahan ng Malolos

380
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Dapat tanawin na malaking utang na loob sa mga Kadalagahan ng Malolos ang pagtatamo ng mga Pilipino ng edukasyon partikular na ang mga kababaihang Filipina.

Iyan ang binigyang diin sa pag-alaala ng mga Bulakenyo sa Ika-137 Taong Anibersaryo ng Pagpepetisyon ng mga Kadalagahan ng Malolos para sila’y makapagtayo ng paaralan at upang makatamo ng edukasyon,

Ayon kay National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Senior Curator Ruel Paguiligan, personal nilang iniabot ang petisyon kay Spanish Governor-General Valeriano Weyler na noo’y nasa kumbento ng Katedral ng Malolos bilang bahagi ng pagbisita sa bayan noong Disyembre 12,1888.

Inalayan ng bulaklak ang panandang pang-alaala kung saan naitayo ang paaralan na ipinetisyon ng mga Kadalagahan ng Malolos 137 taon na ang nakakaraan. Magkakasamang inialay ito ng mga kinatawan ng National Historical Commission of the Philippines, Women of Malolos Foundation Inc., Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Pamahalaang Lungsod ng Malolos, Philippine Information Agency, at Department of Education. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Nangyari ito sa harap ng mga prayle na mariing tumututol sa kanilang layunin.

Sinabi ni Women of Malolos Foundation Inc. President Vicente Enriquez na ginawa ng mga Kadalagahan ng Malolos ang pagpepetisyon sa panahon na hindi isang karapatan ang magpahayag ng saloobin.

Ito’y sa kabila na maaari silang makasuhan at maikulong dahil sa sedisyon.

Iginiit ng mga kadalagahan na sila’y makapag-aral sapagkat batid nila na hindi naman ipinagbabawal ng pamahalaang kolonyal ang pagtatamo edukasyon, ngunit pilit na hinaharang ng mga prayle.

Base sa mga batayang pangkasaysayan ng NHCP, sa ibang mga kolonya ng Espanya sa Timog America, naging bukas ang simbahan at ang pamahalaang kolonyal na makatamo sila ng edukasyon. Ito’y kabaligtaran ng mga naging polisiya sa Pilipinas.

Sa lakas ng loob at determinasyon ng mga kadalagahan na isulong ang kanilang naiisin, bumilib sa kanila si Dr. Jose P. Rizal na noo’y tanyag na sa mga Pilipino, dahil sa kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na umaatake sa pang-aabuso ng simbahan at katiwalian sa Pamahalaang Kolonyal ng Espanya sa Pilipinas.

Pinapurihan sila ni Rizal sa pamamagitan ng kanyang pinadalang liham mula sa London, United Kingdom noong Pebrero 22, 1899 habang siya’y bumibiyahe doon.

Mula noon, naging simulain ang inisyatibo ng mga Kadalagahan ng Malolos upang ang mga kababaihan at lahat ng kabataan sa Pilipinas ay magkaroon ng pagkakataon na makapag-aral.

Samantala, taunang ginanap ang programang pang-alaala sa Kamistisuhan District na nasa Barangay Sto. Nino sa Lungsod ng Malolos, Bulacan kung saan matatagpuan ang mga bahay na tinirahan ng nasa 21 Kadalagahan ng Malolos.

Patuloy ang ginagawang mga preserbasyon at restorasyon ng nasabing mga ancestral houses. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here