Home Headlines PCUP inilatag ang mga programang magpapa-ALPAS sa kahirapan 

PCUP inilatag ang mga programang magpapa-ALPAS sa kahirapan 

204
0
SHARE

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) — Naglatag ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ng mga magkakaugnay na programa upang tulungang mabilis na maka-ALPAS laban sa kahirapan ang mga maralitang tagalungsod.

Sa ginanap na Urban Poor Solidarity Week sa lungsod ng San Fernando sa Pampanga, tinalakay ni PCUP Chairperson and Chief Executive Officer Michelle Anne Gonzales sa harap ng nasa 500 na mga maralitang tagalungsod na nakapaloob sa programang ALPAS ang mga pagtugon sa access, livelihood, pabahay, agriculture at sustainability.

Ipinaliwanag niya na nagsisilbing tagapag-ugnay ang PCUP sa iba’t ibang mga ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na maging epektibo ito sa pag-aangat ng antas ng pamumuhay.

Sa ginanap na Urban Poor Solidarity Week sa lungsod ng San Fernando sa Pampanga, tinalakay ni Presidential Commission for the Urban Poor Chairperson and Chief Executive Officer Michelle Anne Gonzales sa harap ng nasa 500 na mga maralitang tagalungsod na nakapaloob sa programang ALPAS ang mga pagtugon sa access, livelihood, pabahay, agriculture at sustainability. (CSFP CIO)

Kailangan aniyang magtagumpay ang isang ‘whole of government’ approach upang tiyak na makapag-ambag sa bisyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na ihatid ang Pilipinas bilang isang bansa na ang mga mamamayan ay nakakatamo ng high middle income sa taong 2028.

Sa aspeto ng access, nagiging instrumental ang PCUP sa pagtukoy kung sinu-sinong kasapi ng isang pamilyang maralita ang hindi nakakatamo ng edukasyon, serbisyong pangkalusugan at iba pang nararapat na maipagkaloob upang mamuhay nang may dangal.

Para sa livelihood o kabuhayan, binigyang diin ni Gonzales na hindi sapat ang pagkakaloob ng training o puhunan. Kailangan aniya ng social preparation para rito tulad ng paghahanda ng kanilang isip, kalooban at kakayahan upang hindi masayang ang puhunan na ipinagkakaloob ng pamahalaan.

Una, kailangang akma ang ipagkakaloob na training sa edad, interes at kakayahan. Gayundin ang pagsubaybay kung nagastos nang tama na may kinalaman sa pinagsanayan, ang puhunan na natamo.

Masasabi naman na pinakamalaking usapin na hinahawakan ng PCUP, ang tungkol sa seguridad ng paninirahan at pagkakaroon ng katiyakan sa lupang tinitirikan.

Kaugnay nito, idinulog ni City of San Fernando Mayor Vilma Caluag sa PCUP ang 11 libong housing backlog sa lungsod.

Kabilang na rito ang mga inalis sa right-of-way ng North-South Commuter Railway (NSCR) na ang konstruksiyon ay malapit nang dumaan sa gilid ng Kapitolyo ng Pampanga.

Ayon pa kay Gonzales, obligasyon ng PCUP na bigyan din ng social preparation ang mga relocatees dahil hindi lamang disenteng tahanan ang dapat na ipagkaloob sa kanila.

Kailangan aniyang lakipan ito ng kabuhayan, kalusugan, nutrisyon at iba pang aspeto na magbibigay ng kapanatagan at kaginhawahan.

Bukod sa mga pamilyang naapektuhan ng konstruksiyon ng NSCR, kasalukuyan na rin aniyang inaasikaso ng PCUP ang mga naapektuhan din sa itatayong South Long Haul Railway Project ng Philippine National Railways mula sa Laguna hanggang sa Albay.

Sa agrikultura, sinabi ni Gonzales na parehong may kaugnayan ito sa araw-araw na pangangailangan sa pagkain at sa kabuhayan. Kaya’t suportado nito ang urban farming na isinusulong ng Marcos administration upang matiyak ding masustansiya ang naihahain sa hapag ng isang maralita.

Pinakalundo nito ang sustainability ng lahat ng nakapaloob sa ALPAS, kung saan nagsisilbi itong malinaw na direksiyon upang tuluyang mahango sa kahirapan ang maralitang tagalungsod, aniya pa. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Pampanga)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here