Home Opinion Limandaang piso, sa Noche Buena ba ay sasapat ito?

Limandaang piso, sa Noche Buena ba ay sasapat ito?

144
0
SHARE

1.

Sa pahayag ng DTI ay marami ang UMALMA 

nang inanunsiyong ang LIMANG DAANG piso ay sapat na

upang may MAPAGSALUHAN ang maliit na pamailya

sa pagsalubong sa pasko sa gabi ng NOCHEBUENA 

at ang ganitong pananaw ng nabanggit na AHENSIYA 

umani lang ng BATIKOS at maraming nadismaya

2.

Ano ba ang PALAGAY ng DTI sa mga tao

hindi marunong MAGTUOS kung ang gastos ay magkano? 

ang nochebuena’y TRADISYON di lamang ng Pilipino

kundi pati ibang BANSA sa ibabaw nitong mundo

lalo ang naniniwala na isinilang ang KRISTO

at dinalaw sa sabsaban niyaong tatlong HARING MAGO

3.

Ano’ng PAKAY ng DTI bakit nila tinutuos? 

ang handa sa nochebuena, eh, sila ba ang GAGASTOS ? 

ang pakikialam nila’y hindi lamang PAMBABASTOS

kung hindi maituturing na isang PAMBUBUSABOS

lalo na sa MARALITA na sa buhay ay hikakos

na nais ding ipagdiwang ang kaarawan ng DIYOS

4.

Wala na ngang bagong damit ang mga ANAK DALITA

pati sa HAPAG KAINAN dapat pa rin ba’y kawawa? 

anong klaseng puso mayron sila upang MASIKMURA? 

ang magpahayag ng bagay na hindi NAKATUTUWA 

sapagkat ang ganong uri ng mga PANANALITA 

sa uri ng pagkatao mayron sila’y hindi AKMA 

5.

Kahit ang mga PALABOY na mga batang lansangan

sa tuwing araw ng pasko’y GUMAGAWA ng paraan

upang silang mga sawing-palad sa ating LIPUNAN 

makakain ng masarap ang mga HUNGKAG na tiyan

ang oras ng NOCHE buena sa kanilang kaisipan

itinuturing din nilang araw ng KASAGANAAN 

6.

Para sa inyo ba’y sapat itong LIMANG DAANG PISO 

lalo sa katulad ninyo na KAWANI ng gobyerno? 

ang PAMILYA kaya ninyo ay hindi magrereklamo

kung kayo ay WALANG HAMON na pagsasaluhan ninyo? 

baka may KESO DE BOLA’t LECHON DE LECHE pa kayo

di tulad sa karaniwang mamamayang PILIPINO 

7.

Kung kayo po’y may paggalang sa KULTURA at TRADISYON

na siya nating KINAGISNAN sa matagal ng panahon

ito’y dapat PAGYAMANIN ay hindi dapat mabaon

sa limot, at nararapat PAGTUUNAN ng atensiyon

ang iba nga ay malamang gumagastos pa ng MILYON 

lalo na ang mga taong nasasangkot sa KORAPSIYON

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here