ANG PAHAYAG ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. na nalathala sa Phillipine Star—na maaari daw arestuhin ang sinumang nananawagan ng “withdrawal of support” mula sa pamahalaan—ay nagbubukas ng seryosong usaping konstitusyonal, legal, at demokratiko. Ang ganitong posisyon ay naglalagay sa panganib na ituring na krimen ang protektadong pampulitikang pananalita, na malinaw na taliwas sa mga karapatang nakasaad sa Saligang Batas ng Pilipinas.
1. Tahasang Pinoprotektahan ng Konstitusyon ang Kalayaan sa Pamamahayag
Ayon sa Article III, Section 4 ng 1987 Constitution:
“No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.”
Ang panawagan para sa reporma, kritisismo laban sa mga opisyal ng gobyerno, o paghiling ng pananagutan—kabilang na ang matitinding pahayag na politikal—ay malinaw na protektado.
Ang simpleng adbokasiya, kahit radikal o hindi tanggap ng ilan, ay hindi maaaring gawing krimen maliban na lamang kung ito ay mayroong malinaw at kasalukuyang banta ng aktuwal na karahasan o labag-sa-batas na pagkilos.
Ang kritisismo sa administrasyon, kabilang ang panawagang “withdrawal of support,” ay bahagi ng pampulitikang diskurso—hindi rebelyon.
2. Ang Paghingi ng Tugon sa Gobyerno ay Isang Karapatan sa Demokrasya.
Hinihikayat ng Konstitusyon ang mapayapang pagtitipon, protesta, at pagpapahayag ng hinaing.
May karapatan ang mga mamamayan na humiling ng mas mabuting pamamahala, pananagutan, transparency, at integridad sa serbisyo publiko.
Ang mga kilos-protesta sa November 30 —tulad ng nalalapit na “Baha sa Luneta”, “Trillion Peso March” sa Metro Manila at sa iba pang lungsod/bayan sa ibat ibang panig ng kapuluan tulad sa Angeles City, City of San Fernando, Tarlac City, Subic at iba pa ay lehitimong paraan ng paglahok sa demokrasya. Sila ay nagsisilbing bantay laban sa korapsyon, pang-aabuso sa kapangyarihan, at kawalang-pakialam ng pamahalaan.
Ang pagbabanta ng pag-aresto ay nagpapalamig sa boses ng mamamayan at sumisira sa demokratikong proseso.
3. Hindi Sedisyon ang Adbokasiya.
Ang panawagang “withdrawal of support” ay maaaring mangahulugang pagkawala ng tiwala sa pamumuno, panawagan para sa reporma, o hiling na magbitiw ang liderato. Hindi ito pumapasa sa legal na depinisyon ng inciting to sedition o rebellion sa Revised Penal Code, maliban na lamang kung tahasan nitong hinihikayat ang paggamit ng karahasan, armadong pag-aaklas, o -marahas na pagpapabagsak ng pamahalaan.
Kung wala ang mga elementong ito, ang pag-uusig dito ay labag sa Konstitusyon at sa umiiral na batas.
4. Hindi Dapat Gamitin ang “National Security” Para Patahimikin ang Dissent o Pagtutol.
Ang labis na paggamit ng “pambansang seguridad” upang pigilin ang kritisismo ay tanda ng awtoritaryong pamahalaan. Sa isang demokrasya, dapat may malinaw na pag-iiba sa lehitimong pagtutol at tunay na banta sa seguridad. Ang tunay na panganib ay lumilitaw kapag natatakot ang mamamayan sa mismong gobyerno.
5. Ang Banta ng Pag-aresto ay Lalo Lamang Nagpapalalim ng Kawalan ng Tiwala.
Hindi nito pinatatatag ang administrasyon—lalo lamang nitong ibinubunyag ang kahinaan nito. Kapag naramdaman ng mga mamamayan na sinisikil ang pagtutol, mas lalo nilang pinaniniwalaan na may tinatago ang pamahalaan, iniiwasan ang pananagutan, at ginagamit ang mga institusyon laban sa publiko.
Ang paggalang sa pagtutol o dissent ay nagpapalakas ng demokrasya; ang pagpaparusa dito ay nagpapahina.
6. Ang Pamahalaan ay Dapat Managot—Hindi Dapat Maging Untouchable.
Ang kapangyarihang hawak ng mga opisyal ay ipinagkatiwala ng taumbayan.
Hindi maaaring gawing kriminal ang mamamayan dahil lamang sa paghiling ng transparency, katapatan, at mabuting pamamahala.
Kapag ang protesta at hinaing ay sinasagot ng banta ng pag-aresto, malinaw ang mensahe: mas takot ang gobyerno sa tinig ng mamamayan kaysa sa pagrespeto sa kanilang karapatan. At ito mismo ang dahilan kung bakit mahalaga ang protesta.
Ang bantang hulihin ang mga nananawagan ng “withdrawal of support” ay kaduda-dudang legal, mapanganib sa Konstitusyon, at hindi mabuti para sa demokrasya.
Ang karapatan na magsalita, magprotesta, at kumontra ay hindi pribilehiyong ibinibigay ng estado—ito ay likas at nakasaad na karapatang pantao ng isang malayang bayan.
Ang pamahalaang may tunay na kumpiyansa sa sarili ay hindi natatakot sa dissent;
ang pamahalaang takot sa katotohanan—iyon ang natatakot sa boses ng mamamayan.



