KUNG TOTOONG “walang kinalaman” si Pangulong Marcos Jr. sa malawakang budgetary insertions at korapsyon sa flood control projects, bakit ngayon lang siya kumikilos?
At higit sa lahat: kung siya mismo ang “nagpasabog,” bakit niya hahayaang lumobo, kumalat, at maipatupad ang mga proyektong sangkot sa anomalya bago pa man siya kumilos?
Ang paliwanag ni Sec. Dizon ay hindi depensa: Ito ay isang malinaw na halimbawa ng pagiging sipsip at pagsalba sa imahe ng Pangulo sa harap ng matinding galit ng publiko.
1. Hindi dahil “transparency” ang dahilan kundi dahil sa LUMALAKING KILOS-PROTESTA. Hindi kusa at hindi kusang-loob ang pagbuo ng “independent commission.” Ginawa ito ni Marcos Jr. dahil wala siyang choice:
Lahat ng sektor — simbahan, business groups, people’s organizations, NGOs, transport sector, labor groups — ay nagpahayag ng pagkondena.
Mga mag-aaral sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa buong kapuluan ay nag-walkout bilang protesta sa sistemikong korapsyon.
Lumalakas ang public mobilization sa iba’t ibang lungsod at rehiyon.
Kung wala ang pambansang pagkilos at galit ng bayan, hindi kailanman kikilos ang Malacañang.
2. Walang tiwala ang publiko sa Kongreso at Senado — kaya napilitan siyang gumawa ng “komisyon.” Hindi ito “independent.” Hindi ito “proactive.” At lalong hindi ito katibayan na malinis ang Pangulo.
Ang pagbuo ng komisyon ay damage control, hindi leadership. At kahit ito, mahina pa rin: kulang sa kapangyarihang magsampa ng kaso, kulang sa budget, kulang sa independence.
3. Siya mismo ang may kapangyarihan na AGARANG pigilan ang anomalya — pero HINDI NIYA GINAWA. Kung talagang seryoso si Marcos Jr. laban sa insertions:
-Pwede niyang i-line veto ang mga kahina-hinalang pondo.
-Pwede niyang ibasura ang mga questionable items sa NEP bago pa man aprubahan.
-Pwede niyang i-review ang bicam-approved budget bago siya pumirma.
-Pwede niyang i-reject ang flood control items na sobrang laki, sobrang dami, at sobrang pabor sa iilang distrito.
Lahat ng kapangyarihan ay nasa kanya. Pero pinirmahan niya. Pinayagan niya.
At ngayon, nagtataka tayo kung bakit patong-patong ang mga ghost at substandard projects?
4. Bakit ngayon lang siya naglalabas ng “revelations”? Dahil tapos na ang GAA at umiiyak na ang publiko sa korapsyon.
Ang kanyang pagsisiwalat – kuno – ay ginawa matapos maging operational na ang GAA 2025, at matapos nang sumabog sa media ang mga:
-Substandard flood control
-Ghost projects
-Infrastructure padding
-District-level pork insertions
-Multi-billion anomalies
Kung siya ang “nagpasabog,” bakit hinintay muna niyang sumunod ang galit ng bayan bago siya kumilos? Hindi ito whistleblowing. Ito ay paglilinis ng sariling pangalan matapos magamit ang kanyang pirma sa isang bulok na badyet.
5. Ang depensa ni Sec. Dizon ay hindi makatotohanan — ito ay malinaw na pagtatakip. Sa halip na sagutin ang:
-Bakit pumasa ang insertions sa Malacañang?
-Bakit hindi na-veto ang questionable items?
-Bakit hinayaan ang flood control overload?
-Bakit ngayon lang lumabas ang impormasyon?
Ang sagot ni Dizon ay puri, papuri, at pananggalang — parang script ng tagapagtanggol, hindi tagapagsilbi ng bayan.
Hindi kusang-loob na aksyon ang ginawa ni Marcos Jr.
Hindi ito tanda ng transparency.
Hindi ito katibayan ng kawalan niya ng kasalanan.
Ito ay reaksyon sa pambansang galit, tumitinding kilos-protesta, at kawalan ng tiwala sa mga institusyon na dapat sana ay nag-iimbestiga.
Ang pahayag ni Sec. Dizon ay “hollow,” walang substansya, at malinaw na ginawa upang protektahan ang Pangulo — hindi ang interes ng taumbayan.
Kapampangan ka pamo. Makarine ka.
Concerned Citizens of Pampanga



