LAUR, Nueva Ecija – Nagmamaneho ng kanyang motorsiklo si Mark Christian Malaca, 39, isang guro, bandang alas – 4:53 ng hapon nitong Martes nang pagbabarilin ng hindi pa natutukoy na riding-in-tandem, sa Barangay San Juan ng bayang ito.
Kaagad na binawian ng buhay ang binatang guro na residente ng Barangay San Fernando, Laur, samantalang ang mga salarin na nangaka- black jacket, black mask, at helmet ay nakatakas lulan ng isang itim na motorsiklo patungo sa direksiyon ng Gabaldon, Nueva Ecija, batay sa report.
Hindi kaagad natukoy ang kalibre ng baril na ginamit sa pamamaslang.
Sa ulat ng Laur Municipal Police Station, kaagad itong nagsagawa ng dragnet operation para sa posibleng pagkahuli sa mga salarin. “Personnel of this station conducted investigation and request for SOCO (Scene of the Crime Operations) assistance.” Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya. Hindi pa rin natutukoy ang motibo sa krimen.
Nanawagan naman ng katarungan ang mga kaanak at kakilala ng biktima, gayundin ang alkalde ng bayan Mayor Benjamin Padilla.
Si Malaca ay isa sa mga pinahuling biktima ng sunod-sunod na karahasan sa Nueva Ecija.
Nitong Linggo ay napaslang ng hindi pa rin kilalang salarin si Cpl. Joseph Toribio ng drug enforcement unit ng Cabanatuan City Police Station sa Cabanatuan City at kasunod nito ay isang umano’y drug personality ang natagpuang bangkay sa bayan ng Santa Rosa.



