Home Headlines Laban Kontra Rabies: Mandatory pet registration mahigpit na ipapatupad

Laban Kontra Rabies: Mandatory pet registration mahigpit na ipapatupad

190
0
SHARE
SAN MARCELINO, Zambales – Bilang tugon sa tumataas na kaso ng rabies at upang palakasin ang kampanya para sa responsableng pag-aalaga ng hayop, ipinasa ng Sangguniang Bayan ng San Marcelino ang Municipal Ordinance No. 2025-208, na nagtatadhana ng mandatoryong pagpaparehistro ng mga aso at iba pang alagang hayop sa buong bayan.
 
Ang ordinansa ay inakda ni dating konsehal ng bayan, Nestor Ignacio, chairman ng committee on agriculture, at inaprubahan ng lahat ng miyembro ng SB sa regular na sesyon noong Enero 6, 2025, na pinamunuan ni Vice Mayor Jimbo Ragadio Gongora.
 
Layunin ng bagong patakaran na magkaroon ng kompletong talaan o database ng mga alagang hayop sa bawat barangay. Ito ay magsisilbing batayan para sa bakunahan, monitoring, at pagtukoy ng mga hayop sakaling magkaroon ng insidente ng rabies.
 
Bilang suporta, maglulunsad ang LGU San Marcelino ng libreng anti-rabies vaccination drive kada taon at P300 pesos naman kung home vaccination na pangangasiwaan ng municipal agriculture office (MAO).
 
Sa ilalim ng bagong ordinansa, ang mga may-ari ng alagang hayop ay dapat magparehistro sa loob ng itinakdang panahon kada taon at isumite ang mga detalye ng alaga, tulad ng edad, lahi, at petsa ng huling bakuna laban sa rabies.
 
Kasabay ng pagpapatupad ng ordinansa, ipinaalala ng MAO sa mga pet owner ang kanilang tungkulin na panatilihin ang kalinisan at kaligtasan ng kanilang mga alaga.
 
Bahagi rin ng programa ang pagtuturo ng tamang pangangalaga, tulad ng regular na pagpapabakuna, wastong pagkain, at pag-iwas sa paglaganap ng mga hayop sa lansangan. San Marcelino PIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here