Pa-boksing sa kulungan matagumpay na ginanap

    601
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG BALANGA, Bataan – Matagumpay na sinimulan noong Sabado ng dapit-hapon ang pa-boksing ng mga inmates sa Bataan provincial Jail (BPJ) dito na nilahukan ng 15 pares na amateur boxers.

    Ayon kay Supt. Ernesto Flores, BPJ warden, ang pa-boksing ay nasa ikalawang taon na. “Ito’y upang isakatuparan ang kapatirang palakasan sa piitan at mawala ang stress o boryong ng mga detinido at sa hangaring matularan ang sikat na boksingerong si Manny “Pacman” Pacquiao,” pahayag ng warden.

    “Baka ang pagiging bosingero ng mga bilanggo ay maging daan ng tagumpay ng mga ito sa paglabas nila sa piitan,” dagdag ni Flores. May pabuyang nakalaan sa bawat kalahok at sa mga magwawagi na handog ng mga donors, sabi pa ng warden.

    Apat na rounds ang labanan na sa bawat round ay may isang magandang babaing detinido rin ang tila rumarampa sa boxing ring. Ang dating sikat na boksingero ng Bataan na si Eric Chavez ang tumayong referee.

    Tuwang-tuwa ang mga inmates sa panonood na ang iba’y nasa itaas ng bubong at mataas na bahagi ng mga dormitoryo. May 891 ang kabuuang bilang ng mga nakapiit sa BPJ, 75 ay mga babae.

    Nagpakita ng galing sa pagsasayaw ang ilang kababaihang bilanggo bilang intermission number.

    Umaatikabo ang sagupaan ng mga kalahok na ang iba’y  sandaling bumabagsak sa makeshift boxing ring malapit sa isang malaking puno ng narra sa loob ng bilangguan.

    May kumopya pa ng patapik-tapik na suntok sa kalaban na ginawa ni Pacquiao sa huling laban niya sa labis na katuwaan ng mga manonood.

    Ang mga kalahok ay nahati sa iba’t-ibang division tulad ng straw weight, junior flyweight, junior bantamweight, junior featherweight, featherweight, junior lightweight at junior welterweight.

    Ang magiging champion sa taong ito ay haharap sa naging champion noong isang taon, sabi ni warden Flores.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here