25 disenyo ng belen tampok sa 25 barangay

    624
    0
    SHARE
    BALANGA CITY- Dalawampu’t limang iba’t-ibang disenyo ng “belen” ang  matatagpuan sa 25 barangay sa City of Balanga simula  Huwebes ng gabi bilang tampok sa pagdiriwang ng kapaskuhan.

    Sari-saring materyales ang ginamit tulad ng tela, papel,  kugon, talahib, buho at kawayan. Ang iba’y may nagniningning na “star” sa itaas ng belen na sumisimbolo sa maliwanag na tala na gumiya sa “tatlong mago” upang matagpuan sa hamak na sabsaban ang bagong silang na Hesus.

    Bagama’t iba’t-ibang hugis at disenyo, iisa ang pinaka-tampok sa belen – ang mga hugis taong kumakatawan kina Maria, Jose at batang Hesus. Sa sinasabing “mother belen” dahil sa laki nito at ganda na matatagpuan sa mismong plaza ng Balanga, naroon din ang “tatlong mago.”

    Ayon kay Jimmy Mangalindan, kapitan ng barangay Bagumbayan, hangarin ni Balanga City Mayor Joet Garcia na manumbalik sa isipan at tradisyon ng mga mamamayan na ang tunay na simbolo ng Pasko ay ang Poong Hesus at ang Birheng Maria at si San Jose.

    “Hindi magagarbong Christmas tree o mga nagliliwanagang parol kundi ang sagradong pamilya sa sabsaban ang dapat magpagunita sa mga tao ng Pasko,” paliwanag pa ni kapitan Jimmy.

    Sa ilang barangay ay maririnig ang ilang awiting pamasko habang kumukutitap ang Christmas lights sa mga belen.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here