Home Headlines Sandiganbayan Associate Justice: Huwag ikahiya ang pagiging Bulakenyo, isabuhay ang Kongreso ng...

Sandiganbayan Associate Justice: Huwag ikahiya ang pagiging Bulakenyo, isabuhay ang Kongreso ng Malolos

250
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Hindi dapat ikahiya ng mga mamamayan ng Bulacan ang pagiging isang Bulakenyo sa kabila ng mga usapin na bumabalot hinggil sa mga anomalya sa mga flood control projects sa lalawigan.

Iyan ang binigyang diin ni Sandiganbayan Associate Justice Maria Theresa Arcega nang pangunahan niya ang Ika-127 Taong Anibersaryo ng Pagbubukas ng Sesyon ng Kongreso ng Malolos sa simbahan ng Barasoain.

Hindi aniya dapat na husgahan ang nakakaraming mabubuting Bulakenyo sa mga iilang kalalawigan na naligaw ng landas.

Pinangunahan ni Sandiganbayan Associate Justice Maria Theresa Arcega ang pagdiriwang ng Ika-127 Taong Anibersaryo ng Pagbubukas ng Sesyon ng Kongreso ng Malolos sa simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos, Bulacan. Dito binigyang diin niya na hindi dapat ikahiya ng mga mamamayan ng Bulacan ang pagiging isang Bulakenyo sa kabila ng mga usapin na bumabalot hinggil sa mga anomalya sa mga flood control projects. Para sa kanya, hindi dapat na husgahan ang nakakaraming mabubuting Bulakenyo sa mga iilang kalalawigan na naligaw ng landas. (Clarence May F. De Guzman/PIA 3 GIP)

Kaya naman upang maging matatag sa kasalukuyang hamong ito, hinikayat ni Justice Arcega ang mga Bulakenyo na isabuhay ang diwa ng Kongreso ng Malolos at huwag hayaang madungisan ito.

Napapanahon ang mensaheng ito sa anibersayo ng Kongreso ng Malolos dahil sa pamamagitan nito, naipakilala sa mga Pilipino ang tatlong sangay ng pamahalaan gaya ng ehekutibo, lehislatura at hudikatura. Sa pagdaan ng panahon, lumawak na ang sangay hudikatura dahil sa mga reporma tulad ng pagkakatatag ng Sandiganbayan.

Taong 1978 nang itatag ng noo’y Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ang Sandiganbayan sa bisa ng Presidential Decree 1486, bilang partikular na hukuman na didinig sa mga asunto na may kinalaman sa katiwalian ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan.

Kaugnay nito, tiniyak ni Justice Arcega ang isang patas at mabilis na desisyon sa mga kasong inaasahan na aabot sa kanila sala, tungkol sa mga usapin ng  mga flood control projects partikular sa Bulacan.

Para naman kay Gobernador Daniel Fernando, ang diwa ng Kongreso ng Malolos ay patuloy na nagtuturo na obligasyon ng kasalukuyang henerasyon na palayain ang bansa laban sa katiwalian upang mawala ang hadlang sa ganap na pag-unlad. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here