34 barangay sa Bataan lubog

    435
    0
    SHARE
    DINALUPIHAN, Bataan- Mula sa 22,   naging 26 na barangay na ang lubog sa tubig baha hanggang kahapon sa Dinalupihan samantalang walo naman ang sa Hermosa dulot ng patuloy na pag-ulan.

    Ayon kay Fernando Manalili, municipal administrator ng Dinalupihan, sumagasa ang malakas na tubig sa kabayanan dahil sa pagkasira ng Sta. Isabel at Saguing dikes. May 30 metro ang haba ng dike sa Saguing at mahigit 100 metro naman  sa Sta. Isabel ang winasak ng tila nagngangalit na tubig.

    Hindi mapuntahan at hindi makapagsagawa ng sandbagging sa dalawang dike dahil sa lalim at malakas na agos ng tubig.

    Mula beywang hanggang dibdib ang taas ng tubig sa maraming bahagi ng kalsada at kabahayan sa Dinalupihan. Mahigit 2,000 ektarya  naman ng palay na nasa vegetative stage ang lusaw na dahil ang mga lupang sakahan ay nagmistulang dagat.

    Malalim din ang tubig sa maraming public elementary schools na mga sarado dahil idineklara ni Mayor Joel Payumo ang buong Dinalupihan under state of calamity simula pa noong Martes.

    Sinabi ni Manalili na mahigit sa 20,000 tao ang apektado ng baha na ang 100 pamilya ay inilikas mula sa kanilang lubog na mga bahay Martes ng hatinggabi. Magkakaroon uumano ng relief operations simula Huwebes ng umaga.

    Sa Luakan, isa sa 46 na barangay ng Dinalupihan, panay ang hinagpis ng ilang residente dahil sa inabot nilang baha na diumano’y nagsimula lamang nang gawin ang multi-milyong pisong Subic-Clark-Tarlac Expressway.

    Ayon kay barangay Kagawad Emily Mallari, maliit ang labasan ng tubig na ginawa sa SCTEX kaya sila ang nagdurusa. Sinabi naman ni Elpidio Cristobal, 76, na maliit na imburnal lamang ang inilagay sa halip na isang tulay na malaki upang malayang makalabas ang tubig.

    “Buhat nang itayo ang daan na iyan, nagsimula na ang baha dito sa amin,” sabi pa ng magsasaka na umano’y ang kanyang limang ektaryang natatamnan ng palay na isa’t kalahating buwan na ay nalusaw.

    “Tulungan ninyo kami Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na palagyan ninyo ng tulay ang SCTEX para ang tubig ay sa Layac at Almacen Rivers tumuloy,” sabi pa ng matandang magsasaka na lumubog ang bahay at lumipat sa isang kamag-anak.

    Sa Hermosa, Bataan naman, walong barangay ang lubog pa rin sa tubig na ang lalim ay mula tuhod hanggang dibdib. Ang mga ito ay ang A. Rivera, Pulo, Mabuco, Mandama, Daungan, Almacen, Cataning at San Pedro. Ang MacArthur Highway sa gawi ng Mabuco ay hindi pa rin madaanan ng light vehicles.

    Naghanda naman ng mga relief goods tulad ng bigas upang ipamahagi sa mga apektado ng baha sa Hermosa. Pinangunahan ni Angelita Cruz, maybahay ni Mayor Efren Cruz, ang pamamahagi ng mga relief goods na galing kay Gov. Enrique Garcia at sa anak nitong si Rep. Albert Garcia. Tumulong ang ilang Army reservists.

    Isang mahabang pila ng mga apektadong residente ng A. Rivera ang namataan sa labas ng Hermosa multi-purpose center habang idinidiskarga naman ang sako-sakong bigas.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here