Home Opinion Niluklok sa kanan

Niluklok sa kanan

255
0
SHARE

ISA SA mga mahahalagang detalye ng Kredo na binibigkas natin tuwing Linggo sa Misa ay ang pag-akyat ni Kristo sa langit. Bahagi ito ng pananampalatayang minana natin sa mga apostol: na matapos magdusa at mamatay si Hesus sa krus, Siya’y muling nabuhay, “umakyat sa langit” at “naluklok sa kanan ng Ama.” Pareho lang ang kahulugan ng dalawang kataga. Ang “umakyat sa langit” ay mula kay San Lucas (Lk 24:51; Acts 1:9), samantalang ang “naluklok sa kanan ng Ama” ay mula kay San Pablo (Ef 1:20), na hango rin sa Awit 110:1.

Sa salitang Kapampangan, lukluk ay maaari lang mangahulugang “umupo”: lukluk ka (maupo ka). Pero sa Tagalog, ang pagluklok ay hindi basta pag-upo lamang. May kinalaman ito sa pagtatalaga sa isang posisyon ng karangalan at kapangyarihan. Mas malapit ito sa salitang Ingles na enthronement. Karaniwang mga hari o matataas na pinuno ang “iniluluklok.”

Kaya nga parang nakakaasiwa kung iisipin na para bang si Hesus ay basta na lamang “umakyat at umupo sa kanan ng Ama.” Mas mauunawaan natin ito kung babalikan natin ang aral ng Ebanghelyo ngayon.

Ayon kay San Lucas, nang dumalo si Hesus sa isang handaan, pinagmamasdan Siya nang mabuti ng mga tao. Pero hindi nila alam, pinagmamasdan din sila ni Hesus. Napansin Niya na nag-uunahan ang mga panauhin sa mga upuang pandangal. Kaya tinuruan Niya ang Kanyang mga alagad: “Kapag naimbitahan kayo sa isang handaan, huwag basta-basta umupo sa upuang pandangal. Baka mapahiya kayo kapag sinabihan kayo ng maybahay: ‘Hindi iyan ang upuan mo.’”

Sa Tagalog, tawag natin sa taong nagpapataas ng sarili: nagtataas ng sariling bangko. Kaya gusto kong linawin na hindi ganoon ang ipinahahayag ng Kredo. Hindi sinabi ni San Lucas na si Hesus “umakyat sa langit” nang kusa. Ang tamang diwa ay “iniakyat Siya.” Hindi rin sinabi ni San Pablo na “umupo Siya” sa kanan ng Ama. Ang ginamit na anyo ay pasibo: “iniluklok Siya ng Ama.”

Naalala ba ninyo ang magkapatid na Santiago at Juan, nang humiling silang makaupo sa kanan at kaliwa ni Hesus sa Kanyang kaharian? Kapangyarihan ang kanilang hinihingi. Ngunit ang sagot ni Hesus noon ay siya ring aral sa Ebanghelyo ngayon: na sa kaharian ng Diyos, ang upuang pandangal ay hindi inaangkin. Ipinagkakaloob lamang ito ng Ama. Kaya nga ang sagot Niya, “Ang Ama ang magpapasya kung sino ang dapat maupo sa kanan o kaliwa ko.” (Mc 10:40).

Sinabi rin ni Hesus kay Nicodemo: “Walang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit.” (Jn 3:13) Tinutukoy ni San Juan ang Anak ng Diyos na nagpakumbaba at naging Anak ng Tao. Dahil sa Kanyang pagpapakumbaba, naitaas ang dangal ng ating pagkatao.

Kadalasan, mababa ang tingin natin sa ating pagkatao: mahina, makasalanan, palpak, dahil kay Adan. Pero sa pamamagitan ni Kristo, mayroon na tayong bagong huwaran ng pagkatao ayon sa orihinal na plano ng Diyos: isang pagkataong may dangal, dahil kalarawan ng Diyos.

Ang “pag-akyat ni Hesus sa langit” ay tunay na pagtaas, ngunit hindi pagmamataas. Bakit? Dahil nga sa aral Niya: “Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.” Hindi ito para baligtarin ang mataas at mababa, kundi para ipantay tayong lahat. Sa mata ng Diyos, walang mas mataas o mas mababa. Tayong lahat ay pantay-pantay ang dangal.

Sa kasaysayan ng ating kaligtasan, ang kayabangan ang siyang nagpapabagsak sa tao. Ito ang tukso na magpanggap na Diyos. Kaya’t kapag nahuhumaling tayo sa makamundong “tatlong K”—kapangyarihan, kayamanan, kasikatan—nawawala sa atin ang tunay na nagbibigay dangal sa mata ng Diyos—katotohanan, kabutihan, kagandahan. Ito rin ang nagbago sa buhay nina San Francisco at Santa Clara ng Assisi: nakita nila ang kawalang saysay ng hinahabol ng kabataan sa kanilang panahon, at tumahak sila sa ibang daan.

Ang pagnanais na ipataas ang sarili ang madalas nagtutulak sa tao sa kasalanan. Ang kayabangan ang humihiwalay sa atin sa Diyos. Sa halip na mag-angat, ito’y nagbabaon sa atin.

Kaya nga binigyang-diin ni Hesus ang pagpapakumbaba. Ang pagpapakumbaba ang siyang tunay na nagpapataas sa atin sa mata ng Diyos. Naalala ninyo si Zaqueo, nang makita siya ni Hesus na nakaupo sa puno ng sikomoro? Sinabi Niya, “Zaqueo, bumaba ka riyan!” Ginagamit kasi ni Zaqueo ang yaman upang iangat ang sarili sa lipunan, ngunit hinamak pa rin siya ng mga tao. Ang pag-akyat niya sa puno ay para mapansin. Ngunit binago ni Hesus ang laro: “Bumaba ka, makikikain ako sa bahay mo ngayon.” At doon siya tunay na napataas—nang sabihin niyang, “Kung may nadaya ako, isosoli ko nang makaapat na ulit.”

Walang makakapagtaas sa tao kundi ang Diyos. Ang pagkahumaling sa sariling pag-angat ay walang iba kundi kapalaluan. Tandaan natin si Maria sa kanyang Magnificat. Pinarangalan siya ni Elisabet: “Pinagpala ka sa babaeng lahat, at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan!” (Lc 1:42) Ano ang sagot ni Maria? “Dinadakila ng kaluluwa ko ang Panginoon… itinaas Niya ang kanyang abang alipin.” Alam ni Maria na hindi siya kundi ang Diyos ang nagtaas sa kanya.

Ito ang sikreto ng tunay na pag-angat: hindi kayabangan, kundi kababaan ng loob. Ito ang halimbawa ni Hesus sa Kanyang pagkakatawang-tao, sa Kanyang pagpapakasakit at kamatayan. Siya’y nag-kenosis—lubos na ibinuhos ang sarili upang punuan ang kakulangan ng tao.

At sa bawat Misa, matapos ang Ama Namin, binibigkas natin: “Sapagkat sa Iyo ang Kaharian, ang Kapangyarihan at ang Kaluwalhatian magpakailanman.” Dito tayo itinataas—kapag kinikilala natin ang tunay na pinagmumulan ng ating dangal: katotohanan, kabutihan, at kagandahan. Sa pagpapakumbaba lamang natin matatanggap ang mga ito mula sa Anak, at sa Kanya tayo naiaangat bilang mga anak ng Diyos. Doon lamang natin tunay na makakamtan ang karangalang maluklok din sa kanan ng Ama, kasama Niya.

(Homiliya para sa Ika-22 Linggo ng Karaniwang Panahon, 31 Agosto 2025 | Lucas 14:1, 7–14)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here