Ginang Buntis 2009 ginanap sa Mariveles

    450
    0
    SHARE
    MARIVELES, Bataan- Nagwagi noong Miyerkules ng gabi bilang “Ginang Buntis 2009”  ng Mariveles, Bataan ang isang inang halos kabuwanan na at dinaig ang 15 iba pang nasa mas mababa sa anim na buwang pagbubuntis dahil sa kanyang “gandang buntis” at talento.

    Nakamit ni Michelle Topacio, 26, may dalawa nang anak ng Mt. View, Mariveles,  ang titulo sa ginanap na “Buntis Pageant” sa Mariveles People’s Park na dinagsa ng maraming manonood.

    Tinanggap niya bilang gantimpala ang P5,000 cash, P5,000 in gift package mula sa Jollibee (para sa unang birthday ng kanyang ipapanganak), libreng ultra sound, bouquet at plaque. Si Topacio na walong buwang buntis ay siya ring pinagkalooban ng special award na “Best in Long Gown”.

    Nakuha naman ng kandidata ng barangay Maligaya ang “Best in Smile” sa pagkakaroon ng walang sirang mga ngipin, taga-Townsite ang “Ginang Photogenic” at taga-Sisiman ang “Best in Talent”. Tumanggap sila ng tig-P500 cash, sash at plaque.

    Inilipat ang korona kay Topacio ni Lourdes Abog, Ginang Buntis 2008.  Habang nagpapaalam ay kalong pa ni Abog ang kanyang anak na ipinagbuntis niya nang siya’y sumali at manalo sa patimpalak.

    First runner-up ang kandidata ng Sisiman at second runner-up naman ang mula sa Cabcaben. Pinagkalooban ang dalawa ng cash na P3,000 at P2,000, bouquet at plaque. Ang lahat ng 16 na kandidata ay binigyan ng libreng goodies na halagang P500 at entitled sa libreng newborn screening.

    Nagpamalas ng galing ang mga kandidata at waring hindi alintana ang pagiging buntis sa pagpapamalas ng kanilang mga talento sa pagsasayaw at pag-awit na masigabong pinalakpakan ng maraming tao.

    Pagkatapos ng talent portion ay ipinakita naman ng mga kandidata ang kanilang husay sa pagrampa habang suot ang naggagandahang long gown.  Hinarana at inalayan sila ng mga rosas ni Mayor Jessie Concepcion.

    Si Dra. Cleotilde Concepcion, isang dentista at asawa ng mayor, ang chairperson ng “Buntis Pageant”, isang proyekto ng Municipal Health Office ng Mariveles.

    Matapos pumili ng limang finalists ang mga hurado na binubuo ng mga espesialistang mga manggamot sa linya ng OB-Gyne at kinatawan ng Jollibee, ginanap ang question and answer portion na ang mga tanong ay may kaugnayan sa pagbubuntis.

    Sinabi ni Mayor Concepcion na ang layunin ng patimpalak ay upang mapangalagaan ang wastong pagbubuntis, ang hindi ikahiya ang pagiging buntis at pagbibigay halaga sa mga nagdadalang-tao at ang pagiging mabuting ina.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here