DINALUPIHAN, Bataan – Gamit ang mga tinibang puno ng saging, patuloy ngayon ang paghahanap ng mga kaanak sa manggagawa ng sawali na hinigop Miyerkoles ng hapon ng nag-aalimpuyong tubig ng Colo Dam sa Dinalupihan.
Ang biktima na kinilalang si Danilo Dizon, 53, ng barangay Magsaysay, Dinalupihan, ay nakasakay sa mga itinali niyang buho at tinatahak ang malaking ilog sa tapat ng Colo nang mangyari ang sakuna malapit sa control tower ng dam.
Ilang mga kaanak ang sumisid sa ilog sa pagbabakasakaling makita ang biktima habang hinihintay ang rescue team ng Subic Bay Metropolitan Authority at nakamasid ang maraming tao sa paligid ng dam.
Ayon kay Jason Agustin ng Colo, nakita niya si Dizon na lulan ng kinuha nitong mga buho na gagamitin sa paggawa ng sawali nang magkalasug-lasog ang mga buho dahil sa rumaragasang tubig at bumagsak ang biktima sa nag-aalimpuyong ilog.
"Malaki ang tubig kahapon at malakas ang current nito na umiikot ng pagkalakas-lakas pababa na humigop sa biktima na maaaring tinangay sa ibaba ng mahabang ilog na ito o maaaring nasabit sa mga siit o putik," sabi ni Colo barangay chairman Nor Ocampo.
Dumating ang mga pulis Dinalupihan sa pangunguna ni PO3 Rolando Amarga at ang SBMA rescue team dala ang mga makabagong diving equipment. "Patuloy muna ang aming assessment sa situasyon ng dam dahil sa ngayon malakas pa ang current nito," sabi ng isang diver.