rumaragasa ang tubig ulan,
mula sa bundok at kapatagan,
di mapipigil sa paglalakbay,
handang lamunin ang kapuluhan.
anumang ilog kahit malalim,
ito’y aapaw, anumang gawin,
ang pagdaloy nito, kidlat sa tulin,
‘lang pinipili, ‘san makarating.
sa bawa’t taon, ito’y nangyayari,
tao’y nasanay, bahang palagi,
magtiis na lang, namumutawi,
pangkaraniwan, ‘lang masasabi.
bilyon ang pondo, batid ng lahat,
nang masansala, bahang laganap,
nguni’t nasa’n na, tila pangarap,
dahil sa dami ng mangungulimbat.
muling lumusong, buwaya sa tubig,
lalung natuwa sa makukupit,
may kakutsaba, nang manahimik,
hinati-hati, galing sa buwis.
mula sa bibig nating Pangulo,
mga salitang normal daw ito,
palagi na lang, na binabagyo,
ang paghahanda, mayro’n ba tayo?.
mahiya kayo sa pagnanakaw,
ang talumpati, ulat sa bayan,
tungkol kanginong pinasasaringan?
di ba’t s’ya na nga’t mga galamay.
mga usaping ‘yong pinangako,
naging kawangis, bulang naglaho,
may pagkukulang sa pamumuno,
inamin sa madla, wikang tutoo.
maghihintay pa ng tatlong taon,
palubog na barko, kayang iahon?
kung kasamaha’y mag-sisitalon,
iwang mag-isa, sa ‘sang daluyong.
saan papunta, bayang Pilipinas?
kung nilalabag, sariling batas,
makuha lamang, puestong pangarap,
Korte Suprema, di pinalampas.
alipin tayo ng di dayuhan,
kungdi kulturang pagka-gahaman,
sa pulitika na kasangkapan,
kapangyarihan, nais makamtan.