4 todas sa shootout

    379
    0
    SHARE
    CABANATUAN CITY – Tatlong hinihinalang holdaper at isang umano’t tulak ng shabu ang napatay sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya laban sa krimen sa Nueva Ecija nitong Sabado.

    Bandang alas 4:55 ng hapon nang maka-engkwentro ng magkasanib na pwersa ng Provincial Public Safety Company (PPSC) at Lupao police station ang apat na miyembro ng Ibay Group sa kahabaan ng Munoz-Lupao Road na nagresulta ng pagkamatay ng lider nito at dalawang iba pa, ayon kay Supt. Ricardo Villanueva, hepe ng PPSC-Nueva Ecija Police Provincial Office (PPSC-NEPPO).

    Kinilala ni Villanueva ang napaslang na lider na si Arnold Ibay, residente ng Lupao, Nueva Ecija samantalang patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawa pang napaslang.

    Nakatakas ang isa sa mga suspek sakay ng single na motorsiklo, ani Villanueva.

    Ayon kay Senior Inspector Erwin Ferry, hepe ng Lupao police station, nakipag-ugnayan sila sa PPSC upang magsagawa ng anti-criminality checkpoint sa isang bahagi ng lansangan matapos makatanggap ng intelligence report sa umano’y planong pang-hoholdap o pangangarnap ng grupo sa naturang lugar.

    Nang mamataan ang mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo, ani Ferry, ay tinangka nila itong pahintuin subalit tinangkang tumakas at nagpaputok sa mga pulis. “Nagkaroon ng habulan at palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek,” sabi ni Ferry.

    Sa ulat ng pulisya, ang Ibay Group na binubo ng may 10 miyembro na karamihan ay nagmula umano sa lalawigan ng
    Tarlac ang responsable sa panghoholdap at pangangarnap ng motorsiklo sa mga bayan ng Lupao, Talugtog, Guimba at mga karatig bayan.

    Ang motorsiklong gamit ng mga suspek nang maka-engkwentro ng mga pulis ay lumalabas na inagaw sa isang tauhan sa poultry farm sa Talugtog, Nueva Ecija noong nakaraang Martes.

    Nasamsam ng mga otoridad mula sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang .45 pistol, isang .9mm pistol at isang .38 revolver, mga basyo ng bala at ang motorsiklo.

    Isang dalaga na nakilalang si Ayana Ashley Dagdag,21, residente ng Barangay Mapangpang ang nahagip ng ligaw na bala at kinailangang isugod sa Heart of Jesus Hospital sa San Jose City subalit pinauwi rin kaagad at idineklarang ligtas ng mga duktor.

    Sa bayan ng Jaen, patay na nang idating sa Gonzales General Hospital si Rex Cabral, ang No. 2 sa illegal drug watch list ng lokal na pulisya, matapos makipagbarilan sa otoridad pasado alas-7 ng gabi.

    Ayon kay Chief Insp. Alexander Aurelio, hepe ng Jaen, nilusob ng mga operatiba ang bahay na tinutuluyan ng suspek sa Barangay Sapang ngunit mabilis itong nakapagpaputok ng baril.

    Nakabawi ang pulisya ng isang .38 revolver, isang granada at sachet ng hinihinalang shabu.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here