Home Opinion Mga biktima sa digital na kalsada

Mga biktima sa digital na kalsada

245
0
SHARE

SA MGA kalsada natin, dahil napakarami ng motoristang bumibiyahe at mga taong naglalakad sa sidewalk, imposibleng hindi makita o mapansin, kapag may biktimang nakahandusay sa may tabing-daan—naaksidente man o naholdap tulad ng narinig natin sa kuwento ng ebanghelyo.
Pero may mga makabagong kalsada ngayon sa ating panahon na hindi na tulad ng mga pisikal na kalsadang dinadaanan natin. Tinatawag nating mga “digital highways.” Kung tutuusin, malaking blessing para sa atin ang digital technology, malaking pakinabang sa tao ang mga bagong online highways na ito. Pinadali at pinabilis ang komunikasyon. Pero ngayon, nagiging sumpa rin ito. Bakit? Dahil pinadali at pinabilis din ang kakayahan ng mga tulisan na mangulimbat at mambiktima sa mga gumagamit ng digital highways, sa milyon-milyon na bumibiyahe online. Ito ang dahilan kung bakit naglabas kalamakailan ang CBCP ng isang sulat pastoral ukol sa online gambling.
Maiintindihan pa natin kung mga hindi-kilala o mga nakamaskarang mga tulisan ang mangholdap o mambiktima online sa mga digital highways. Marami talagang scammers na mahusay mambudol sa online; gumagamit pa ng AI. Kaya pag may pinindot kang video—maging produkto man ito o porno, o fake news, o political ad, asahan mong sunod-sunod na ang papasok sa newsfeed mo. Automatic, “algorithms” ang tawag dito.
Ang masaklap ay kapag mga ahensya na mismo ng ating gubyerno tulad ng PAGCOR ang nagpapasimuno dito, katulad ng nangyayari ngayon, mula nang gawing legal ang “online gambling.” Ang alam natin online gambling dati ay POGOS—dahil ilegal sa China ang online gambling, dito sila sa Pilipinas nag-operate pero ang pwedeng magsugal ay Chinese lamang. Tulad ng alam natin—naipagbawal na ang mga POGOS dahil naging instrumento ng kriminalidad tulad ng human trafficking, pero ginawa namang legal sa Pilipinas. Dati-rati, ang mga legal na pasugalan dinadayo pa sa mga casino ng mga may-kaya o may perang isusugal. Ngayon, pumasok na ang casino sa bawat cell phone—accessible na sa lahat. Kahit sino—bata, matanda, pwede nang magsugal, 24-oras kada araw, pitong araw kada linggo, kahit saan. Mayaman, o mahirap, may pera o wala, pwedeng magsugal. Pauutangin ka pa ng pansugal sa gcash o e-wallet. Pino-promote pa ng mga bayaran na artista at celebrity, kaya ang daming naaakit.
Hindi tuloy malaman ng mga OFW na kumayod sa abroad at nag-remit sa gcash ng mga anak kung bakit hindi nabayaran ang boarding house, o ang matrikula, o ang utang sa sari-sari store. Iyun pala naisugal ng anak o asawa na nalulong sa bisyo ng pagsusugal online. Dati may control sa pasugalan na tulad ng sakla at mahjong, dahil mayroong nanonood, may mangangantiyaw. Ngayon, pwedeng magsugal na walang nanonood, walang nakakaalam, pribado, mabilis, isang pindot sa smart phone, ubos lahat ng kinita. Kaya madaling maadik, at marami sa mga biktima ay mga kabataan, nasisira ang pag-aaral, nawawasak ang kinabukasan, gumuguho ang kabuhayan. Mga misis na dahil kapos sa budget at nakikipagsapalaran. Nagsisimula sa piso-pisong taya patungo sa daan-daan piso at libo-libo. At madalas, imbes na tulungan ang biktima, hinuhusgahan pa, kesyo kasalanan daw nila, mabisyo kasi. Hindi natin makita ang tunay na salarin: ang mismong gubyernong nagbigay pahintulot at nagparami sa mga online gambling platforms sa digital highways, dahil malaki daw ang kinikita para sa gastusing pang-gubyerno para pambigay ayuda. Ang kultura ng ayuda na pinakamabisang paraan ng pagkakamit ng kapangyarihang pampulitika, bumibiktima sa mga kababayan nating dukha at kumakapit sa patalim. Hindi rin natin makita ang mga biktima dahil nakatago sa pribadong pagsusugal sa pamamagitan ng cellphone.
Narinig natin sa unang pagbasa: ang salita ng Diyos ay hindi malayo, hindi mahiwaga. Hindi kailangan ng physical o digital highways para maabot ito. Hindi lumilipad sa alapaap na kailangan pang akyatin; wala sa ibayong dagat na kailangan pang tawirin. Nagpakalapit-lapit na sa atin mula nang magkatawang-tao ang Salita kay Kristo Hesus na tinatanggap natin sa komunyon. Nasa bibig na natin. Ipinagkaloob pa niya sa atin ang Espiritu Santo; nasa puso at diwa na natin, kailangan lang nating panindigan. Gigisingin nito sa loob natin ng Salitang tinatanggap natin, ang pag-ibig sa Diyos na hindi mapaghihiwalay sa malasakit sa kapwa gaya ng sarili.
Kung ang Salita ng Diyos pumapasok sa isip natin, at lumalabas sa bibig natin ay maisagawa din natin, sabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: makikita natin ang Diyos na hindi nakikita. Kay Kristo nagaganap ang pag-uugnay ng langit at lupa, Diyos at tao, at gayundin ng tao sa isa’t isa. Bubuksan nito ang ating mga mata para makita ang hindi nakikitang biktima sa digital highways; bubuksan nito ang ating mga puso, aantigin ang ating kalooban at uudyukin tayo upang magmalasakit, kumilos, at gumawa ng karampatang hakbang upang saklolohan ng mga kaawa-awang mga biktima sa ating lipunan.
(Homiliya para sa Ika-15 Linggo ng Karaniwang Panahon, 13 Hulyo 2025, Lk 10:25-37)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here