Home Headlines Panukalang pagtugon sa isyu ng Clark Airport Control Tower

Panukalang pagtugon sa isyu ng Clark Airport Control Tower

647
0
SHARE

ANG MGA kamakailang obserbasyon ng Commission on Audit hinggil sa pagkakaantala ng konstruksiyon ng Clark International Airport Air Traffic Control Tower, gayundin ng pag-install ng mga Primary Surveillance Radar at Monopulse Secondary Radar systems, ay isang seryosong isyung nangangailangan ng agarang pagtugon.

Ang mga proyektong ito ay pundasyon ng kaligtasan sa himpapawid at operasyonal na kahusayan ng paliparan—mga kritikal na bahagi ng pambansang imprastruktura sa transportasyong panghimpapawid.

Ayon sa COA, halos limang taon na ang nakalilipas mula nang ilunsad ang proyekto ngunit ang Clark Control Tower ay 60.90% pa lamang ang natatapos, habang 25.90% lamang ang progreso ng radar systems—sa kabila ng paulit-ulit na pagpapalawig ng orihinal na kontrata.

Dahil dito, hindi lamang naantala ang pagbubukas ng mga pasilidad; apektado rin ang kaligtasan, operational readiness, at reputasyon ng paliparan.

Ayon sa COA report, isa sa mga pangunahing hadlang na lumitaw ay ang hindi kaagad na pagkuha ng Height Clearance Permit at kakulangan sa mga dokumentong hinihingi ng Civil Aviation Authority of the Philippines —gaya ng aeronautical study.

Ang mga dokumentong ito ay napakahalaga para sa mga estrukturang may kaugnayan sa himpapawid at airspace safety. Malinaw na ang mga ito ay dapat sana’y naiproseso at naisama sa plano bago pa man magsimula ang konstruksyon.

Lumilitaw na ang kabiguan na maihanda at maikumpleto ang mga kritikal na requirement sa yugto pa lamang ng pre-construction planning ay nagpapakita ng kahinaan sa koordinasyon at foresight ng proyekto.

Magalang nating hinihikayat ang pamunuan ng Clark International Airport Corp. at mga kaugnay na ahensiya na magsagawa ng masusing pagsusuri at pagbabalik-tanaw sa buong daloy ng proyekto—mula sa pagpaplano, procurement, at implementasyon—upang matukoy kung anong mga desisyon, pagkukulang, o kakulangan ang nag-ambag sa pagkaantala.

Hindi rin maikakaila ang mga ulat ukol sa main contractor na diumano’y hindi lamang nagkulang sa performance, may alegasyon din na nabigong bayaran ang mga subcontractors at manggagawa.

Ang mga ganitong ulat, kung napatunayan ng mga nasa kinauukulan, ay malinaw na dapat naging batayan para sa mas maagang interbensyon, gaya ng contract review o termination, alinsunod sa mga itinatakda ng RA 9184 at ang bagong RA 12009—mga batas na naglalayong protektahan ang mga proyektong pinopondohan ng bayan mula sa maling pamamalakad at kapabayaan.

Dagdag pa rito, muling nabubuksan ang katanungan kung sapat ba ang ating procurement system sa pagpili ng mga may kakayahang kontratista, o kung ito ay nananatiling nakasandig lamang sa pinakamababang bid.

Bagama’t mahalaga ang transparency sa paggastos ng pondo ng bayan, hindi ito dapat maging dahilan upang isantabi ang teknikal na kakayahan, karanasan, at integridad ng mga kontratistang kinukuha ng gobyerno.

Kaugnay nito, magalang nating iminumungkahi ang mga sumusunod na hakbang:

1. Isang komprehensibo at transparent na audit ng proyekto, kabilang na ang timeline ng mga desisyon, aksyon, at mga naging sagabal sa implementasyon;

2. Pagrepaso at, kung nararapat, terminasyon ng kontrata, at agarang pagsampa ng legal na aksyon sa mga may pananagutan;

3. Pagku-konsulta sa CAAP at iba pang regulatory bodies upang mapabilis ang pagproseso ng mga natitirang kinakailangan dokumentaryo;

4. Pagpili ng kwalipikado at subok na kontraktor na may kakayahang tapusin ang proyekto ayon sa mga pamantayan ng kaligtasan at kalidad;

5. Pagsasaayos ng mga sistema ng project monitoring at reporting upang maagapan ang mga red flags sa hinaharap;

6. Pagreporma ng procurement policies, upang magbigay ng higit na halaga sa technical merit, kakayahan, track record, at katapatan sa serbisyo publiko.

Ang Clark Control Tower at radar systems ay hindi lamang pasilidad—ang mga ito ay salamin ng estado ng ating mga institusyon at ng ating pangako sa moderno at ligtas na serbisyong transportasyong panghimpapawid. Umaasa tayo na ang pamunuan ng CIAC at ang mga kaugnay na ahensiya ay kikilos nang may integridad, determinasyon, at tunay na malasakit sa publiko upang maitama ang pagkukulang, maituloy ang proyekto nang maayos, at muling maibalik ang tiwala ng publiko.

(Ang may-akda ay nagsilbing pangulo at CEO ng CIAC)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here