LUNGSOD ng Balanga: Binati ni Bataan Gov. Jose Enrique Garcia III ang Balanga City sa lalawigan sa pagkakabilang nito bilang isa sa sampung pinaka-ligtas na lungsod sa Pilipinas.
Ito, aniya, ay ayon sa 2025 World Travel Index, na nagsasaad na ang Balanga City ay nakakuha ng safety score index na 76.15 at nakapuwesto sa pang-apat na ranggo sa buong Pilipinas.
“Ipinagmamalaki natin na ang pagkilalang ito ay nakamit ng Balanga City dahil sa mahusay na pamumuno ni three-term Balanga Mayor Francis Garcia katuwang ang Sangguniaang Panglunsod,” sabi ng governor.
“Sa kanilang pagtutulungan ay nakamit ng ating probinsiya ang mababang antas ng krimen at napananatili ang matibay na seguridad sa tulong din ng ating kapulisan at maging sa magkasanib na puwersa ng Metro Bataan Development Authority (MBDA) at ng Balanga City Peace and Order Office (CPAO),” patuloy ni Garcia.
Samantala, ginanap noong Huwebves ang 3rd Quarter Meeting ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), at Provincial Task Force in Ending Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) sa Bataan Tourism Pavilion, Balanga City.
Unang tinalakay ang kasalukuyang sitwasyon ng peace and order sa lalawigan. Ikinagagalak na ibinalita ng governor na bumaba ang bilang ng mga krimen kumpara sa nakaraang buwan bunga, aniya, ng pagtutulungan ng mga kapulisan at kababayan sa laban kontra krimen, ilegal na droga, at iba pang mga ilegal na aktibidad.
Tinalakay rin sa pagpupulong ang mga hakbang na maaaring isagawa upang mabawasan at maiwasan ang mga aksidente, partikular na sa mga pangunahing lansangan ng lalawigan.
Kabilang din sa mga tinalakay ang mga nagawa at hakbangin ng mga miyembrong ahensya kaugnay ng kampanya laban sa ilegal na droga, mga programa para sa Persons Deprived of Liberty (PDL), at ang pagbibigay ng amnestiya. (30)